CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga otoridad ang isang additional most wanted person (city level) sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Brgy. Poblacion I. City of San Jose del Monte noong Sabado (Sept. 27).
Base sa ulat, kinilala ang suspek bilang si alias Charlie, 53 taong gulang, at residente ng Brgy. Citrus, CSJDM, Bulacan. Siya ay naaresto dakong alas-11:12 ng umaga noong Setyembre 27, 2025 sa San Pedro Street, Brgy. Poblacion I, CSJDM, Bulacan.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Warrant Section ng San Jose del Monte CPS mula sa pamumuno ni Lt. Col. Reyson M. Bagain , acting COP katuwang ang mga tauhan ng 301st MC, RMFB 3 at 3rd SOU, PNP Maritime Group. Inaresto ang akusado sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong “Qualified Rape of a Minor by Carnal Knowledge (8 counts)” sa ilalim ng Criminal Case No. 216 hanggang 223-SJDM-2025 na may no bail recommended.
Ang warrant ay inilabas ni Hon. Ma. Cristina Geronimo Juanson, Presiding Judge ng RTC Branch 5FC, CSJDM, Bulacan noong Setyembre 9, 2025.
Ayon kay Col. Angel L. Garcillano, Provincial Director ng Bulacan PPO, “Patuloy na paiigtingin ng Bulacan Police ang pagtugis sa mga most wanted persons upang bigyan ng hustisya ang mga biktima ng krimen at mapanatili ang kapayapaan sa ating komunidad,” (UnliNews Online)

