CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasakote noong Miyerkules ng hapon (Oct. 1), ang Top 3 Most Wanted Person (Regional Level) ng Police Regional Office 3 (Central Luzon) sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit (PIU) Bulacan PPO kasama ang San Ildefonso MPS, San Rafael MPS, 1st PMFC at 2nd PMFC sa Brgy. Diliman 1st, San Rafael, Bulacan
Kinilala ang naaresto na si alias Ian, 38 taong gulang, binata, at residente ng Adrales Compound, Brgy. Pinaod, San Ildefonso, Bulacan.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Russel Dennis E. Reburiano, Chief PIU, ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Murder (Article 248 ng Revised Penal Code) sa ilalim ng Criminal Case No. 5322-M-2025 na inilabas ni Hon. Maria Maruja P. Narvaiza-Mendoza, Presiding Judge ng RTC Branch 82, Malolos City, Bulacan noong Setyembre 24, 2025, na walang piyansang inirekomenda.
Ang nasabing akusado ay kabilang sa mga suspek sa insidente ng pamamaril na naganap noong Mayo 15, 2025 sa Brgy. Matimbubong, San Ildefonso, Bulacan.
“Patuloy ang Bulacan PNP, sa pamumuno ni P/Col. Angel L. Garcillano, Provincial Director, sa masinsing pagtugis sa mga wanted na indibidwal at masigasig na pagpapatupad ng batas upang masiguro ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng ating mga mamamayan.
“Kaakibat nito ang walang tigil na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, iba pang ahensya, at mismong komunidad upang patuloy na maitaguyod ang isang ligtas at maunlad na pamayanan para sa buong lalawigan ng Bulacan,” dadgda pa ni Col. Garcillano. (UnliNews Online)

