LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Kulungan ang bagsak ng tatlong tulak ng iligal na droga, matapos makuhanan ng 24 plastic sachet ng hinihinalang shabu na aabot sa halagang P91,800 sa isang buy bust operation sa Barangay Panasahan sa naturang lungsod Miyerkules ng gabi (Oct. 1).
Sa report ni Malolos police chief P/Lt. Col. Rommel E. Geneblazo kay Bulacan Provincial Director P/Col. Angel L. Garcillano, kinilala ang mga suspek na sina alias “Warren,” 38 taong gulang, taga-Panasahan, Malolos; alias “Kulot,” 36 taong gulang, taga-Iba Este, Calumpit; at alias “Patola,” 59 taong gulang, taga-Poblacion, Guiguinto.
Ayon sa report, nagsagawa ang mga operatiba ng Malolos PNP Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy bust operation bandang 8:30 ng gabi, kasunod ng naganap na transaksyon sa pagitan ng suspek at pulis sa pagbili ng shabu.
“Ang matagumpay na operasyong ito ay bahagi ng patuloy na kampanya laban sa iligal na droga sa nabanggit na lungsod. Patuloy tayong magtulungan upang masugpo ang salot na ito sa ating lipunan,” ani Lt. Col. Geneblazo.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng Malolos PNP at sasampahan ng kasong paglabag sa sa Section 5 at 11 under Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).
Ang kapulisan ng Malolos ay patuloy na nananawagan sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang masugpo ang ilegal na droga sa ating komunidad. (UnliNews Online)

