MAY nakausap akong mga senior citizen na nasa edad 80 pataas sa Lungsod ng Malolos at tinanong ko kung nakakatanggap sila ng social pension mula sa national government. Ang sagot nila, wala daw silang natatanggap sa pamahalaang nasyonal pero mayroon naman daw silang tinatanggap na pension mula sa Pamahalaang Lungsod.
Ayon sa mga matatanda, mahal daw sila ng kanilang punong lungsod dahil sa ibang bayan nga naman sa Bulacan ay walang localized social pension, maliban sa Malolos. Iba talaga si Mayor Christian Natividad. Kaya nang makapanayam namin si Mayor Christian ay nalaman naming mga mamamahayag ng Bulacan na pinondohan ng city government ng Malolos ang localized social pension para sa mga senior citizen na 80 years old.
Iba talaga kapag ang namumuno ay mayroong pusong napagmalasakit. Palibhasa ay lumaki sa simpleng pamumuhay si Mayor Christian, nadarama at nauunawaan niya ang damdamin ng mga mahihirap lalo na ang mga matatanda kaya naman sinikap niya sa pakikiisa na rin Sangguniang Pang Lungsod ng Malolos na na mapondohan ang localized social pension para sa mga senior citizen mula edad otsenta.
Ayon pa kay Mayor Christian, sinisikap aniya ng pamahalaang lungsod na maisali sa localized social pension ang mga matatandang mamamayan ng Malolos na ang edad ay pitumpu kapag may sapat ng pondo para sa mga senior citizen na 70 years old at kung makakaya aniya ng badyet ng siyudad ay isasali na rin nila ang mga matatandang sisenta anyos sa lalong madaling panahon.
Sa totoo lang, maraming senior citizen sa Pilipinas ang umaasa na pagkatapos nilang mag-apply sa tanggapan ng DSWD para makakuha na sila ng social pension ay agad silang makatatanggap ng buwanang socpen kahit napaliwanagan na sila ng mga social worker ng DSWD na llalagay muna sa wait list ang kanilang mga pangalan.
May patakaran kasi ang DSWD sa mga mag aapply na senior citizen para sa socpen na kailangang 60 anyos ang edad pataas, at kailangang hindi tumatanggap ng buwanang pension sa SSS o GSIS man. Ang kailangan lang ay kumuha ng certificate of indigency sa barangay hall na kanilang nasasakupan at kailangang dalhin ng aplikante ang kanilang senior ID at ang mga social worker ang magpoproseso ng kanilang aplikasyon.
Kung kuwalipikado ang aplikanteng senior citizen ay sasabihin ng social worker na nakahanay na sa wait list ang mga pangalan ng mga aplikanteng senior. Pero maraming senior citizen ang hangga ngayon nananatili pa rin sa wait list dahil magkakaroon lang umano sila ng pagkakataong makatanggap ng buwanan o quarterly socpen kapag mayroong senior citizen pensioners na namatay.
Anak ng patola, kaya pala may mga senior citizen na palaging nakatingala sa langit. Nananalangin sila sa Diyos na habaan pa ang kanilang mga buhay at bigyan sila ng kalakasan upang makapag-follow up ng kanilang application sa DSWD para sa minimithi nila social pension dahil hangga’t walang namamatay na socpen pensioners ay mananatili sila sa wait list. Kasaklap naman. (Unlinews Online)

