CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Labing-isang indibidwal ang naaresto ng Bulacan police sa patuloy na pinaigting na operasyon kontra iligal na droga at wanted person noong Sabado hanggang Linggo (Oct. 4-5).
Base sa ulat kay P/Col. Abgel Garcillano, Bulacan Provincial Director, ang naturang mga drug operations ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng 9 sachet ng hinihinalang shabu at 4 na sachet ng hinihinalang marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P37,525, at mga marked money na ginamit sa buy-bust operations.
Tatlong suspek ang naaresto ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malolos CPS dakong 11:11 ng gabi ng Oktubre 4, 2025 sa Brgy. Matimbo, Malolos. Nakumpiska sa kanila ang 4 na piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang may Standard Drug Price na P17,000, at buy-bust money.
Bukod dito, limang drug susek naman ang naaresto matapos maaktuhan sa pot session sa Brgy. Loma de Gato, Marilao dakong 1:30 PM nitong Oktubre 4, 2025, kung saan nasamsam ang tinatayang 25 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3,750.00, dalawang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800.00, at iba’t ibang drug paraphernalia.
Dagdag pa dito, dalawang indibidwal na sangkot sa pagtutulak ng droga ang naaresto habang 3 sachet ng hinihinalang shabu at 8 sachet ng hinihinalang marijuana na may tinatayang kabuuang halaga na P9,975.00, at buy-bust money ang nasabat sa mga bayan ng Calumpit at Pulilan.
Ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa kaukulang pagsusuri. Kasalukuyan namang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa mga suspek.
Ang walang sawang kampanya ng Bulacan PNP laban sa ilegal na droga, sa ilalim ng pamumuno ni Col. Garcillano, at sa gabay ni Brig. Gen. Togelio I. Peñones Jr., Regional Director ng Police Regional Office 3, ay patunay ng kanilang taos-pusong dedikasyon sa pagsugpo sa kriminalidad at sa patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

