CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang dating miyembro at tagasuporta ng Rebolusyonaryong Hukbong Bayan ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa 1st PMFC Office, Camp Alejo S Santos, Brgy. Guinhawa, Malolos City, Bulacan noong Biyernes ng umaga (Oct. 3).
Batay sa ulat ni Major Norheda G. Usman, Force Commander, kinilala ang sumukong indibidwal na si Ka Ed, 47 taong gulang, construction worker at residente ng Brgy. Santor, Malolos City. Ayon sa kanyang pahayag, siya ay dating miyembro at tagasuporta ng RHB na nag-ooperate sa coastal areas ng Bulacan, Pampanga, Bataan, at Zambales.
Bago ang kanyang pagsuko, nakipag-ugnayan si Ka Ed sa 2nd Platoon ng 1st PMFC upang ipahayag ang kanyang hangaring ipanumbalik ang kanyang katapatan sa pamahalaan at isuko ang isang hindi rehistradong baril na nasa kanyang pag-aari. Matapos makumpirma ang katumpakan ng impormasyong ito, pinangunahan ng Bulacan 1st PMFC, kasabay ng personnel mula sa Malolos CPS, Bulacan PIU at 70IB PA, ang maayos na pagsuko ng suspek at ng kanyang baril.
Nasamsam mula sa kanya ang isang HW3 Caliber 22 Magnum revolver na may serial number 744542, kasama ang 8 piraso ng buhay na bala. Sumailalim din si Ka Ed sa booking at panayam para sa dokumentasyon, habang ang baril ay isusumite sa Provincial Supply Accountable Officer (PSAO) para sa tamang disposisyon.
Ayon kay Col. Angel I. Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, “Ang boluntaryong pagsuko ng dating miyembro ng rebelde ay patunay na may pag-asa para sa mga indibidwal na nais magbagong-buhay at ipanumbalik ang tiwala sa gobyerno. Patuloy nating susuportahan ang mga programang nagtataguyod ng kapayapaan at reintegration sa komunidad.” (UnliNews Online)

