LUNGSOD NG MALOLOS — Sa isang kapanapanabik na pagpapamalas ng tapang at determinasyon, nasungkit ng Gabrielian Angels Pep Squad mula sa Colegio de San Gabriel Arcangel (CDSGA) ng Lungsod ng San Jose del Monte ang kampeonato sa Bulacan Universities and Collegiate Athletic Association (BUCAA) Season 2 Cheerdance Competition at matagumpay na nadaig ang defending champion na Polytechnic University of the Philippines (PUP) – Santa Maria noong Lunes (Oct. 6), sa Bulacan Capitol Gymnasium dito.
Sa isang malikhaing konsepto na may temang sari-sari store na sinabayan ng kantang “Tindahan ni Aling Nena” ng Eraserheads, ipinamalas ng CDSGA ang kanilang a-game performance na nakakuha ng kabuuang 91.38%, na naglagay sa kanila sa matatag na unang puwesto; pumangalawa ang Bulacan Polytechnic College (BPC) tangan ang 82% na iskor at nakakuha ng silver medal, habang Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (DPLB) naman ang nakasungkit ng bronze medal sa iskor na 80.17%. Ang dating kampeon na PUP – Santa Maria ay nagtapos bilang third runner-up.
“Halo-halo na po ‘yung naramdaman namin dahil hindi namin inasahan na mangyayari ito. Kaya sobrang pasasalamat po namin sa aming coach para sa walang sawa niyang pagsuporta at pagtuturo sa amin,” pahayag ng Team Captain na si Princess Joy Odero ng Gabrielian Angels Pep Squad.
Samantala, nagbigay inspirasyon naman ang volleyball star na si Mika Reyes bilang panauhing pandangal sa pagbubukas ng BUCAA Season 2 at ibinahagi sa mga Bulakenyong manlalaro ang kaniyang personal na “formula of victory.”
“Ang formula po na ‘yon ay patience, discipline, at commitment. Dahil po sa patience, natutunan kong magtiwala sa proseso. Dahil naman po sa discipline, tuluy-tuloy akong nagsikap araw-araw. At dahil naman po sa commitment, araw-araw po akong bumabangon para mag-improve. The formula works not just in sports but also in life,” ani Reyes.
Ibinahagi rin ng PLDT High Speed Hitters middle blocker ang kaniyang mapagkumbabag simula bilang atleta sa mas batang henerasyon ng mga atleta na sa kabila ng mga pinagdaanan niya ay hindi nito nahadlangan ang pag-abot niya sa kaniyang mga pangarap.
“Hindi po siya perfect. Alam naman po natin na hindi madali ang daan ng isang atleta. Wala po akong karanasan noon, hindi po ako nakapaglaro sa Palarong Pambansa, at hindi rin po ako napili sa mga tryouts. Pero hindi po doon natapos ang pangarap ko na maging magaling na volleyball player,” dagdag pa niya.
Sa iba pang parangal, napagwagian naman ng Academia de San Lorenzo Dema-ala Inc. ang Best in Uniform (Basketball), habang BPC naman ang nagkamit ng parehong titulo para sa Volleyball, at CDSGA ang itinanghal sa Cheerdance category.
Si Bianca Bautista mula sa Centro Escolar University Malolos ang itinanghal na Best Muse matapos talunin ang 21 iba pang kandidata mula sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa Bulacan.
Ipinahayag naman ni Gob. Daniel R. Fernando ang kaniyang buong suporta sa mga atleta at binigyang-diin ang layunin ng BUCAA na paunlarin ang larangan ng isports sa lalawigan.
“Nagpapasalamat po kami sa lahat ng universities and colleges na nakibahagi sa BUCAA. This is our second season at ipagpapatuloy po natin ito. Isinagawa natin ito para mas makita natin ang mga angking talento ng mga manlalarong Bulakenyo, at mabigyan sila ng oportunidad na maipamalas ang kanilang galing,” ani Fernando na nangakong ipagpapatuloy ng BUCAA ang pagiging daan nito para sa mga atletang Bulakenyo upang maipakita ang kanilang husay at makamit ang mas malalaking oportunidad sa isports. (UnliNews Online)

