Friday, January 23, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsSolusyon ang dapat ibigay sa mga OFWs, hindi dagdag pahirap -- PBBM

Solusyon ang dapat ibigay sa mga OFWs, hindi dagdag pahirap — PBBM

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Binigyang diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pangangamusta sa may 3,000 mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Pampanga na makatwirang solusyon ang ibigay sa kanila at hindi dagdag pahirap.

“Sa bawat desisyong ating gagawin, lagi nating iisipin kung papaano natin mapapaglingkuran ang ating kapwa Pilipino ng may dignidad at malasakit. Magsilbi tayong solusyon, hindi dagdag na pampahirap,” aniya.

Sa pagtitipong ito sa lungsod ng San Fernando, kinamusta ng Pangulo ang kanilang mga kalagayan matapos maapektuhan at kanilang mga pamilya ng mga nagdaang kalamidad sa lalawigan.

Kaya naman sa direktiba ni Marcos, pinagkalooban sila ng tig-P5,000 mula sa AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW).

May karagdagan pang P5,000 ang inilaan para sa kanila mula sa Office of the President.

Ayon sa isa sa mga benepisyaryo na si Ruby Aguilar na taga bayan ng Guagua at isang OFW sa Saudi Arabia, malaking tulong ito para sa kanyang pamilya na kahit nalalayo siya sa mga ito, natitiyak niya na may pamahalaan na aalalay para sa kanila.

Sinabi ng Pangulo na mahalaga ang maagang tulong, ngunit higit na kinakailangan ang mga pangmatagalang solusyon.

“Hindi lang ‘yung minsanan. Kaya gumagawa po tayo ng mga hakbang na magsisilbing tulay tungo sa mas matatag na kinabukasan,” giit niya.

Kaya naman ibinalita ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na pormal nang nilagdaan ang isang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng ahensya, iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang nasyonal, at pamahalaang panlalawigan ng Pampanga upang labanan ang human trafficking at illegal recruitment.

Tiniyak ni Marcos na magiging matatag ang ugnayan ng kanyang administrasyon sa mga OFWs at gustong maging OFWs, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pangmatagalang proteksyon tulad nitong inter-agency MOU.

Source: PIA Region 3

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News