CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang buy-bust operation ng mga operatiba ng Guiguinto Municipal Police Station ang nagresulta sa pagkakaaresto ng isang suspek at pagkakasamsam ng mahigit 6 na kilo ng hinihinalang marijuana noong Biyernes ng madaling araw sa Brgy. Malis, Guiguinto, Bulacan.
Batay sa ulat ni Lt. Col. Leonard Lim, Hepe ng Guiguinto MPS, nadakip ang suspek na si Alyas Botong, 29 taong gulang, residente ng nasabing barangay, dakong alas-1:15 ng madaling araw.
Sa nasabing operasyon, nasamsam mula sa suspek ang tinatayang 6,020 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga na humigit-kumulang P601,000.00.
Agad na dinala sa Guiguinto MPS ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Alinsunod sa direktiba ng Acting Chief PNP, Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., at sa ilalim ng pamumuno ni Col. Angel L. Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon na ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa lalawigan ng Bulacan.
“Patuloy na nakatuon ang Bulacan PNP sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na pamayanan sa pamamagitan ng walang humpay na pagtugis sa mga sangkot sa ilegal na droga,” ani Col. Garcillano. (UnliNews Online)

