LUNGSOD NG MALOLOS — Ginawaran ang lalawigan ng Bulacan ng Special Citation sa 2025 Most Business-Friendly Local Government Unit (LGU) Awards—Province Level kasabay ng 51st Philippine Business Conference and Expo (PBC&E) sa SMX Convention Center, Lungsod ng Pasay.
Inorganisa kamakailan ang pagkilala ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) bilang isang matibay na pagpapatunay ng estratehikong pangako ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapaunlad ng ekonomiya, pag-streamline ng mga proseso ng negosyo, at kapansin-pansing pagpapalakas ng kumpiyansa ng mamumuhunan sa buong rehiyon.
Sa pamamagitan ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO), pinarangalan ang Bulacan para sa dedikasyon nito sa pag-unlad, partikular na sa pamamagitan ng mga pangunahing imprastraktura kabilang ang mga estratehikong pambansang proyekto tulad ng New Manila International Airport (NMIA) at mga pangunahing kalsada na idinisenyo upang mapahusay ang koneksyon sa loob at labas ng Gitnang Luzon, na lumilikha ng agarang positibong epekto para sa lokal na komunidad ng negosyo.
Tinanggap ng Puno ng PCEDO na si Abgd. Jayric L. Amil ang pagkilala bilang kinatawan ni Gob. Daniel R. Fernando.
Sa kaniyang talumpati, sinabi naman ni PCCI President Consul Enunina V. Mangio na ang layunin ng pagkilala ay hindi lamang para makasabay sa modernisasyon, kundi para din magamit ang digitalization sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga Pilipino.
“Our purpose is not technological modernization for its own sake, but the strategic deployment of digital capabilities in service of sustainable development, inclusive growth, and enhanced quality of life for all Filipinos,” ani Mangio.
Gayundin, hinimok ni Dennis Anthony H. Uy, chairman ng 51st PBC&E, ang mga lider ng industriya sa bansa na manguna sa isang responsableng pagnenegosyo upang matulungan ang mga negosyante na makaangkop sa kumpetisyon sa kanilang larangan.
Malugod ding tinanggap ni Fernando ang prestihiyosong pagkilala at ipinahayag ang kaniyang taos-pusong pasasalamat sa PCCI at ipinangakong patuloy na ibibigay ang suportang kinakailangan ng mga nagnenegosyo sa probinsya.
“Maraming salamat po sa PCCI para sa pagkilalang ito. At taos-pusong pagbati rin sa aming PCEDO para sa walang sawang pagsuporta sa ating mga kababayan. Kaya naman po patuloy nating ibibigay sa inyong mga Bulakenyo ang mga inisyatibang mas magpapaunlad pa sa inyong mga kabuhayan sa ating probinsiya,” anang gobernador.
Ang naturang pagkilala ay nagpapatunay sa mga aktibong hakbang ng Bulacan upang matugunan ang mga modernong pangangailangan sa ekonomiya, na ipinoposisyon ang kapaligiran ng pagnenegosyo bilang isang pamantayan para sa pag-unlad ng rehiyon.

