CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang lalaki na kinilala sa alyas na “Noynoy” at ang kapatid nito ang naaresto ng mga tauhan ng Bocaue police sa isinagawang anti-criminality checkpoint matapos silang mahulihan ng hinihinalang shabu noong Sabado (Oct. 25) sa Brgy. Wakas.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, habang nagsasagawa ng checkpoint operation ang mga operatiba, napansin nila ang dalawang lalaki na sakay ng isang pulang Honda Click na walang suot na helmet. Nang sila ay pahintuin para sa karampatang beripikasyon, sa halip na makipag-kooperasyon ay agad na tumakas ang mga suspek at tumakbo palayo.
Mabilis na rumesponde ang mga arresting officers na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek. Sa isinagawang frisking procedure, narekober mula sa kanilang pag-iingat ang tig-isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na substansiyang pinaniniwalaang shabu.
Dahil dito, agad na inaresto ang mga suspek sa paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Ang mga nakumpiskang ebidensya ay isinailalim sa tamang inventory at dokumentasyon sa harap ng mga saksi, at dinala ang mga suspek sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.
Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng Bocaue MPS sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Col. Virgilio D. Ramirez, acting Chief of Police, laban sa ilegal na droga at kriminalidad sa bayan ng Bocaue. (UnliNews Online)

