MULA pa sa sinaunang panahon, ang pangalang ‘Robin Hood’ ay nakatatak na sa isipan ng mga tao sa buong mundo. Naisapelikula na sa iba’t ibang bansa ang karakter ni Robin Hood at maging dito sa Pilipinas ay naisapelikula na rin ang kasaysayan ng bandidong Ingles na ginampanan ng ilan piling Pilipinong aktor bilang local Robin Hood
Ayon sa maraming kwentong nasulat, si Robin Hood daw ay naging popular sa mga mahihirap niyang kababayan sa Inglatera sa kanyang kapanahunan. Bagama’t isang tulisan si Robin Hood na mayroon din siyang grupong bandido na ang gawa ay nilolooban ang bahay ng mga mayayamang Ingles at nililimas ang salapi, alahas ng kanilang mga biktima.
Maging ang mga manlalakbay na mangangalakal ay hinoholdap din umano nila Robin Hood, pero ayon sa istorya, hindi naman daw sinasarili ni Hood ang kanilang mga ninakaw na kayamanan. Bagkus, kanila iyong ipinamamahagi sa mga mahihirap ayon sa isang bersiyon ng istorya.
Kaya pala naging sikat si Robin Hood dahil sa gayong kostumbre matulungin siya sa mga kapuspalad. Pero teka. Sa panahon nating ito ay meron pa rin daw mga ‘Robin Hood’. Tulisan din ba sila? O kaya naman ay literal ang kanilang pagnanakaw sa kabang yaman ng bayan? Ang masaklap na katotohanan tanggap naman umanonng mga taong nakikinabang sa mga corrupt na government officials ang kanilang ginagawa at iniidolo pa nga sila bilang modern day ‘Robin Hood’ kuno.
Kamakailan ay ginimbal ang sambayanang Pilipino ng kontrobersiya tungkol sa ghost flood projects. Bilyon-bilyong halaga ng salapi ang umano’y inilaan sa mga proyektong multo at substandard projects.
May mga serye ng paggdinig ang naisagawa sa Blue Ribbon Committee ng Senado at doon lumutang ang mga opisyal ng DPWH pati na ang mga kontratista at ang mga ito ang nagsangkot sa mga kongresista at ilang senador na sinasabing nakinabang sa kickbacks o payola galing sa pondo ng mga kuwestiyonableng proyekto.
Kaya lang, tila hindi tanggap ng mga supporters ng mga pulitikong naaakusahan ang pagsasangkot ng kanilang mga inihalal na lingkod bayan sa kontrobersiya ng payola o kickback. Para sa kanila, pilantropo, matulungin, maawain, mahabagin ang kanilang mga iniidolong lingkod bayan pagdating sa aspetong pinansiyal o kawanggawa. Isa pa, wala daw matibay na ebidensiya sa mga akusasyon sa kanila.
Para sa kanila, walang ginawang masama ang kanilang mga idolong pulitiko. Puro kabutihan ang kanilang nakikita dahil madali daw lapitan at hindi sila binibigo ng kanilang mga idolong politician sa oras ng kanilang pangangailangan kaya nga mahirati na ang mga mahihirap na Pinoy sa Hindi sila na naniniwala na magagawang magnakaw sa kabang yaman ng bayan ang kanilang mga idolo.
Kaya nauso ang mga kolokyal na salita tulad ng kicback, payola, for-the-boys, at iba pa dahil ang malaking halaga ng salapi mula sa buwis ng mga mamamayang Pilipino ay naibubulsa lang ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno dahil sa mga payola na iyan. Baka ikatuwiran na ibinabalik din naman nila ang salapi na kanilang kinukurakot sa kanilang mga kababayan. Maliwanag na panlilinlang yan sa taumbayan.
Ang dapat sana na ang malaking halaga ng ipinopondong salapi sa mga pagawaing bayan ay nagagamit sa tama. Hindi raw gayon. Maliit na porsiyento lang umano ang nagagamit sa mga pagawain at ang malaking bahagi ay napupunta lang sa payola ng mga tiwaling government officials na umaastang modern ‘Robin Hood’.
Pero walang istoryang nasulat na si Robin Hood ay politician kaya wala siyang hangad na maging halal na opisyal ng bayan. Purong bandido lang siya na ang adhikain ay makatulong sa mga nagugutom niyang kababayan. Kaya lang, maling paraan ang ginagamit niya para makapagbigay ng tulong. Tulad din naman ng mga tiwaling pulitiko, nagnanakaw din naman sila saka tumutulong pero para iyon sa kanilang political interests at hindi talaga sa kapakanan ng nakararaming mahihirap
Ang tanong ng sambayanang Pilipino, mayroon na bang mga mambabatas na isinalang sa Kongreso para imbestigahan?
Meron na bang mga mambabatas na makakasuhan at makukulong sa salang pandarambong? Alam naman natin na ang Kongreso ay hindi hukuman para lumitis at humatol sa mga inaakusahan ng pagnanakaw sa kabang yaman ng bayan, tanging ang korte lamang kaya nananatiling malaking question mark sa noo ni Juan dela Cruz ang mga tanong ng bayan. (UnliNews Online)

