CAMP GEN. Francisco Macabulos, Tarlac City — Muling nagpakitang-gilas ang Tarlac Police Provincial Office (TPPO) matapos makamit ang Outstanding Rating na 89.131% sa Regionwide Unit Performance Evaluation Rating (UPER) ng Police Regional Office 3 para sa buwan ng Nobyembre 2025.
Ang nasabing resulta ay patunay ng patuloy na pag-angat ng Tarlac PPO sa larangan ng pampublikong serbisyo, operasyon, at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. Kabilang sa mga kinilala ang mas pinaigting na anti-criminality operations, episyenteng pagresponde sa mga insidente, at aktibong pakikipag-ugnayan sa komunidad.
Ayon kay PCOL Frank Lin Palaci Estoro Acting Provincial Director ng Tarlac PPO, ang nakamit na marka ay bunga ng sama-samang pagsisikap at dedikasyon ng mga pulis—mula sa provincial headquarters hanggang sa bawat municipal at city police station. Pinuri rin nila ang walang-sawang suporta ng mga mamamayang Tarlaqueño na patuloy na katuwang sa mga programa para sa seguridad.
“Your dedication and excellence in public service are truly commendable!” ito ang mensaheng ipinaabot ng pamunuan bilang pagkilala sa sipag, sakripisyo, at propesyunalismo ng mga kalalakihan at kababaihan ng TPPO.
Samantala, tiniyak ng Tarlac PPO na lalo pa nitong paiigtingin ang kanilang mga programa at operasyon upang mapanatiling ligtas, payapa, at maunlad ang buong lalawigan lalo na sa paglapit ng kapaskuhan.
Ang pagkilalang ito ay nagsisilbing repleksiyon ng patuloy na pag-unlad sa serbisyo publiko ng Tarlac Police Provincial Office — isang tagumpay na karapat-dapat ipagdiwang ng buong Tarlac. (UnliNews Online)

