PULILAN, Bilacan — Nasawi ang isang pasyente matapos malanghap ang matinding usok sa loob ng ICU ng Our Lady of Mercy General Hospital sa Brgy. Lungos, Pulilan, Bulacan, noong Lunes.
Kinilala ang biktima na si Ret. P/Cpt. Marcelino Leonardo.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na nagsimula bandang ala-una ng umaga. Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, nagmula ang apoy sa likurang bahagi ng refrigerator sa pharmacy sa ikalawang palapag at mabilis itong kumalat.
Naging pahirapan para sa mga responder ang paglikas sa 17 pasyente kaya kinailangan silang idaan sa winasak na bintana ng ospital. Dinala sila sa iba’t ibang pagamutan sa Plaridel at Baliwag City.
Pansamantalang isinara ang bahagi ng National Highway patungo at pabalik ng Norte habang nagpapatuloy ang operasyon. Idineklarang fire out ang sunog ganap na 5:40 AM.
Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa pinagmulan ng apoy at sa lawak ng pinsala. (UnliNews Online)

