CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Mula sa direktiba ng Acting Chief PNP, Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Bulacan PPO ang labing-dalawang (12) indibidwal na sangkot sa ilegal na droga sa magkakahiwalay na operasyon kontra-droga noong Lunes (Dec. 8) bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga.
Batay sa ulat ng mga Hepe ng Pulisya ng San Jose Del Monte, Hagonoy, Meycauayan, at Obando MPS, magkakahiwalay na drug-bust operations ang isinagawa ng kani-kanilang Station Drug Enforcement Units.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng labing-dalawang (12) indibidwal na sangkot sa iligal na droga at pagkakasamsam ng dalawampu’t isang (21) sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P220,184, kabilang ang buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa laban sa kanila.
Ayon kay Col. Angel L. Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, “Ang sunod-sunod na operasyon at pagkakaaresto ay patunay ng masinsin at patuloy na pinalalakas na kampanya ng Bulacan PNP laban sa kriminalidad. Walang sinumang sangkot sa ilegal na droga ang makakatakas sa kapulisan ng Bulacan. Patuloy naming isasagawa ang mabilis, maayos, at strategikong mga operasyon upang matiyak ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat mamamayan sa buong lalawigan.” ( UnliNews Online)

