CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Sa pinaigting na laban kontra sa ilegal na droga, matagumpay na nagsagawa ng magkakahiwalay na buy-bust operation ang Bulacan Police Provincial Office noong Disyembre 10 hanggang 11, 2025, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 13 na indibidwal, pagkakasamsam ng 30 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P165,122.00, at buy-bust money.
Ayon sa report ni PLt. Col. Jordan G. Santiago, hepe ng Marilao MPS, isang drug suspect ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation laban sa ilegal na droga sa Brgy. Loma de Gato, Marilao, noong Huwebes ng madaling araw ( Dec. 11).
Nakumpiska mula sa suspek ang 4 na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P40,800.00 at buy-bust money.
Sa katulad na operasyon, 12 na indibidwal ang naaresto ng mga tauhan ng Santa Maria, Hagonoy, Bustos, Guiguinto, Meycauayan, Norzagaray, Plaridel, at Pandi Police Station sa magkakahiwalay na operasyon laban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 26 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang halagang P124,322.00.
Ang lahat ng mga naarestong suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bilang bahagi ng pinaigting na laban kontra sa ilegal na droga, patuloy ang Bulacan Police Provincial Office sa pagpapatupad ng mga operasyon laban sa mga sangkot dito. Ayon kay Provincial Director PCol. Angel L. Garcillano, sa patnubay ni PBGen. Ponce Rogelio I. Peñones, Regional Director ng PRO3, ang mga ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan sa Bulacan. ( UnliNews Online)

