CAMP ALEJO SANTOS, Malolos — Mahigit P370,124.00 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa magkakahiwalay na operasyon laban sa illegal na droga na isinagawa ng Bulacan Police Provincial Office noong Disyembre 29-30, 2025, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 17 drug suspect at pagkakasamsam ng buy-bust money.
Ayon sa report ni Lt. Col. Reyson M. Bagain, hepe ng San Jose del Monte CPS, 3 drug suspect ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation laban sa ilegal na droga sa Brgy. Fatima 1, SJDM, noong Disyembre 30, 2025 dakong ala-1:00 ng umaga.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 4 na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P204,000.00 at buy-bust money.
Sa katulad na operasyon, 14 na indibidwal ang naaresto ng mga tauhan ng Meycauayan, Marilao, Hagonoy, Obando, Baliwag at Guiguinto Police Station sa magkahiwalay na operasyon laban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 25 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang halagang P166,124.00.
Ang lahat ng mga naarestong suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (UnliNews Online)

