CITY OF MALOLOS, Bulacan — Agad na nasakote ng mga operatiba ng Malolos City Police Station (CPS) ang apat na indibidwal na sangkot sa insidente ng iligal na pagpapasabog ng paputok sa Brgy. Santiago sa nabanggit ng lungsod bandang alas-11:30 ng gabi noong Miyerkules (Dec. 31) bunsod ng pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO).
Ayon sa ulat ni Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, City police chief, ang insidente ay nagresulta sa pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 7183 (Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices), Alarms and Scandals, at Malicious Mischief laban sa mga suspek na kinilalang sina alias Mark, alias Henry, alias Ben, at alias Jere. Patuloy namang tinutugis ng pulisya ang ikalimang suspek na kinilalang alias Jepoy.
Isinagawa ang pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek matapos ang masusing follow-up investigation, kabilang ang pagsusuri ng CCTV footage sa lugar ng insidente at pagkalap ng impormasyon mula sa mga saksi. Ang reklamo ay inihain ng isang Barangay Kagawad at residente ng Barangay Santiago.
Samantala, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang lawak ng pinsalang idinulot ng pagsabog, kabilang ang posibleng pagkasira ng ilang sasakyan ng Baliwag Transit at mga kalapit na kabahayan, upang matukoy ang eksaktong halaga ng pinsala at maisampa ang karagdagang kaukulang reklamo kung kinakailangan.
Noong Enero 2, 2026, ang kaso ay pormal na inihain sa City Prosecutor’s Office ng Lungsod ng Malolos at nakapaloob sa NPS Docket No. III-07-INQ-26A-00005 hanggang 00007. Ang mga naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Malolos CPS para sa karagdagang dokumentasyon at tamang disposisyon.
Ayon kay P/Col. Angel L. Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, “Ang agarang pagresponde at pagkakaaresto sa mga sangkot sa insidenteng ito ay patunay ng determinasyon ng Bulacan Police na ipatupad ang batas, lalo na laban sa mga gawaing naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng publiko. Patuloy kaming magsasagawa ng mahigpit na operasyon upang matiyak ang kaligtasan at kapayapaan ng bawat pamayanan, lalo na sa mga panahon ng pagdiriwang.” (UnliNews Online)

