CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasakote ng Tracker Team ng Doña Remedios Trinidad Municipal Police Station (DRT MPS) ang Regional Most Wanted Person Top 1 sa isinagawang operasyon sa Brgy. Camachile, DRT noong Friday ng umaga (Jan. 2).
Ayon sa ulat ni P/Capt. Marc Henry SJ Gonzales, officer-in-charge chief of police ng DRT, kinilala ang akusado na si alias Berto, 53 anyos at residente ng Brgy. Sapang Bulac, Doña Remedios Trinidad, Bulacan.
Inaresto ang akusado sa bisa ng Warrant of Arrest para sa dalawang (2) bilang ng Murder sa ilalim ng Criminal Case Nos. 551-M-04 at 552-M-04, na inilabas ni Hon. Crisanto C. Concepcion, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 12, Malolos City, noong Oktubre 11, 2004, na walang rekomendadong piyansa.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Tracker Team ng DRT MPS (lead unit) katuwang ang RIU3–Bulacan West PIT na nagbigay ng intelligence packet, at ang mga tauhan ng 24th Special Action Company, 2nd Special Action Battalion, PNP–SAF.
Matapos ang pagkakaaresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang Constitutional at Miranda Rights alinsunod sa itinakda ng batas at kasalukuyang nasa kustodiya ng DRT MPS para sa wastong dokumentasyon at tamang disposisyon bago ang pagbabalik ng warrant sa hukuman.
Ayon kay Col. Angel L. Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, “Ang pagkakaaresto sa Regional Most Wanted Person Top 1 ay patunay ng masusing intelligence work, matibay na koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng PNP, at ng walang humpay na kampanya ng Bulacan Police laban sa mga indibidwal na matagal nang tumatakas sa batas. Patuloy naming ipinatutupad ang direktiba ng pambansang pamunuan upang matiyak na mananagot sa batas ang sinumang patuloy na lalabag dito.” ( UnliNews Online)

