ITONG column ko na Author’s Viewpoint, ay inilalathala dito sa Unlinews, isang digital publication kaya hindi lang sa Pilipinas nababasa ang mga artikulo na nalalathala dito kungdi sa buong mundo world wide wika nga kaya marami ang nakakabasa ng mga istoryang lumalabas sa news website na ito ni Manny Dineros Balbin.
Ang aking paksa ay tungkol sa nalalapit na Barangay and Sanggunian Kabataan Elections (BSKE) na isasagawa sa buwan ng November ng taong kasalukuyan. Bago ako pumaksa sa ibang lugar ay sa aming barangay muna sa Barangay Sipat, sa Plaridel, Bulacan ako huhugot ng topic dahil ako ay tagarito at kilala ko ng personal ang sinasabing mga aspirante para sa BSKE.
Napag-alaman ko sa aking kamag-anak na si Barangay Kagawad Elpie A. Camua, na posible anya na apat na kandidato sa pagka-kapitan ang maglalaban-laban sa barangay election. Aba eh masayang labanan ito dahil maraming pagpipilian ang mga botante. Ang mga ito ay sina Mario G. Reyes, kasalukuyang kagawad ng Barangay Sipat; Lani Lucas, incumbent barangay kagawad; ex-barangay kagawad Felicidad Santos Arididon, at ang kasalukuyang kapitan ng aming barangay si Oscar Gabriel Jr.
Si Konsehal Fel, ay pamangkin ko dahil pinsan buo ko ang kanyang nanay. Si Kagawad Mario naman ay compadre ko dahil inaanak niya sa kasal ang aking anak at manugang. Si Kap. Oscar naman ay ninong ng aking apo kay Kagawad Wendell Juztin Dela Cruz. Si Kagawad Lani naman ay masipag na lingkod ng barangay.
Sabi nila, mahirap daw kalaban ang nakaupong barangay chairman. Puwedeng totoo at puwedeng hindi dahil ang mga botante naman sa barangay ang pipili ng kanilang napupusuang barangay captain candidate. Iyan namang labanan sa barangay ay paramihan ng kamag-anak at mga kaibigan kaya kung apat ang maglalabang kapitan sa barangay Sipat, dehado ang kandidato na kakaunti ang kamag-anak at kaibigan kaya doble efforts ang kailangan niya.
Iyan namang isyu na may nagawa ang nakaupo ay hindi isyung pulitika yan dahil katungkulan ng mga inihalal na magtrabaho at gumawa. Walang utang na loob sa kanila ang mamamayan kung sila man ay may mga accomplishments sa barangay, sa bayan o siyudad man dahil sila ay mga public servant — iniluklok sa poder ng kapangyarihan para gumawa at maglingkod ayon sa atas ng batas.
Kahit sino naman ang manalo sa darating na halalan ay obligadong magtrabaho. Ganyan ang mga inihalal at sila ay public property at hindi parang artista na iniidolo. Pero katungkulan din naman natin na sila ay igalang dahil obligasyon nating mga mamamayan na magpasakop sa ating mga pinuno na gumagawa ng tama at naaayon sa batas at kung sila naman ay aabuso sa hiram na kapangyarihan na iginawad sa kanila ay mayroon tayong hukuman na handang umusig, humatol at magparusa sa kanila.
Kaya sa apat na aspirante sa pagka-kapitan sa aming barangay, hangad ko ang inyong tagumpay. Sa aliinmang labanan ay may nananalo at natatalo kaya tanggapin ng maluwag sa kalooban kung anoman ang magiging hatol ng bayan sa darating na halalang Pambarangay.

