LUNGSOD NG MALOLOS — Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pamamahagi ng assistive at medical devices, kasama ang mga emergency kit at pinansyal na tulong para sa mga biktima ng sunog sa lalawigan noong Lunes (Jan. 12) sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito.
Ayon sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), 167 residente mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ang nakatanggap ng assistive at medical devices tulad ng wheelchair, nebulizer, glucometer, stretcher, cane, fetal doppler, height at weighing scale, at pinansiyal na tulong na nagkakahalagang P2,000 bawat isa.
Sa kabilang banda, kabuuang 64 na biktima ng sunog ang pinagkalooban ng emergency kits at balde, 50 kilong bigas, hygiene kits, at pinansyal na tulong na nagkakahalaga ng P3,000.
Nagpaabot ng pakikiramay si Gob. Daniel R. Fernando sa mga biktima ng sunog sa lalawigan at pinaalalahanan sila na hindi kailanman pababayaan o kalilimutan.
“Sa ating mga kababayang biktima ng sunog, alam namin na mahirap magsimulang muli. Ang pagkawala ng tahanan ay hindi lamang pagkawala ng gamit—ito ay pagkawala ng seguridad at kapanatagan. Ang emergency kit na aming ibinibigay ay paunang tulong lamang, ngunit kasama nito ang isang malinaw na mensahe: Hindi kayo iniwan. Hindi kayo kinalimutan,” aniya.
Hinimok din ni Fernando ang mga dumalo na laging tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga tahanan bago umalis upang maiwasan ang panganib ng sunog.
Bukod dito, sinabi ng gobernador sa mga benepisyaryo ng mga kagamitang medikal na ang tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ay naglalayong mapagaan ang kanilang pasanin, at binigyang-diin ang kanilang halaga anuman ang kanilang sitwasyon.
“Ito ay tulong para sa mas magaan na araw-araw na buhay, para sa mas ligtas na pagkilos, at para sa mas may dignidad na pamumuhay. Nais naming ipadama na ang bawat isa ay mahalaga, anuman ang kalagayan sa buhay,” dagdag ni Fernando.
Dumalo rin sa pamamahagi sina Bise Gob. Alexis C. Castro at Puno ng PSWDO Rowena J. Tiongson upang magpakita ng suporta sa mga benepisyaryong Bulakenyo. (UnliNews Online)

