Thursday, January 15, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsDA: AnCEF, susi sa ganap na pagbangon ng Bulacan hog industry

DA: AnCEF, susi sa ganap na pagbangon ng Bulacan hog industry

LUNGSOD NG MALOLOS — Magsisilbing susi sa ganap na pagbangon ng hog industry sa Bulacan mula sa African Swine Fever (ASF) ang pagsisimula ng Department of Agriculture (DA) na maipatupad ang Republic Act 12308 o Animal Industry Development and Competitiveness Act of 2025.

Sa ginanap na 2nd Philippine Veterinary Medical Association-Central Luzon Chapter Conference sa lungsod ng Malolos, inilahad ni DA Undersecretary Asis Perez na pangunahing probisyon ng batas ang paglikha sa Animal Competitiveness Enhancement Fund (AnCEF) na nilaanan ng halagang P200 bilyon sa susunod na 10 taon.

Ibinalangkas ang AnCEF upang pag-impukan ng mga makokolektang taripa na ipinataw sa mga produktong karne ng baboy, manok at mga dairy products na inangkat ng pribadong sektor.

Layunin nito na malaanan ng halagang P20 bilyon kada taon upang gugulin sa pagbangon ng mga nasa sektor ng paghahayupan sa pamamagitan ng pagpopondo sa malawakang pagbabakuna at repopulation o pagpaparami ng mga baboy, manok, baka, kambing at iba pang hayop na kinakain ng tao.

Binigyang diin ni Perez na kailangang maganap muna ang malawakang pagbabakuna sa kasalukuyang henerasyon ng mga baboy bago ang muling pagpaparami o repopulasyon.

Base sat ala ng DA, nasa 57 porsyento ang recovery rate ng hog industry sa Luzon.

Halimbawa sa Bulacan na may mga 16,955 hog raisers at isang pangunahing suplayer ng karne ng baboy sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, nagsisimula na ang pagpaparami ng mga bagong henerasyon ng mga baboy.

Base sa tala ng Provincial Veterinary Office, nasa 15,517 ang mga sow o mga inahing baboy, 2,357 na boar or lalaking baboy, at 107, 066 na mga fattener o ‘biik’ na tinatawag ding mga ‘patabaing baboy’.

Para kay Bulacan Provincial Veterinary Office Head Voltaire Basinang, ang napapanahong pagpapatupad ng Republic Act 12308 ay magbubunsod upang makapagtatag ng veterinarian offices sa mga bawat bayan at lungsod sa lalawigan na tututok sa sektor ng paghahayupan.

Malaking tulong aniya ito upang mas epektibong maipatupad ang National ASF Prevention and Control Program, na magpapalakas sa kakayahan ng mga pamahalaang lokal na bantayan ang mga potensiyal na pagmulan ng mga sakit sa hayop at kung papaano ito masusugpo.

Gayundin ang pagpapabuti ng biosecurity, makabalangkas ng mga istratehiya ng kahandaan para sa mga inaasahang salot sa hinaharap, at maging tuluy-tuloy ang muling pagpaparami ng mga hayop na kinakain ng tao na walang sakit.

Samantala, habang patuloy ang pagsulong ng repopulation ng mga baboy, patuloy na nakakabili ang mga Bulakenyo ng magagandang kalidad ng mga karne nito na abot-kaya ang halaga na nasa P200 na lebel kada kilo.

Ayon kay Perez, epekto ito ng mga naunang patakaran na nagpababa ng taripa sa mga inangkat na karne ng baboy sa bisa ng Executive Orders 128, 134 at 171 na inilabas noong 2021.

Mas pinagtibay pa ito ng Executive Order 62 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang patuloy na maging mura ang karne ng baboy habang hindi pa ganap ang repopulation. (PIA-3)

PHOTO CAPTION:

Pinangunahan ni Agriculture Undersecretary Asis Perez ang pagdadaos ng 2nd Philippine Veterinary Medical Association – Central Luzon Chapter Conference sa lungsod ng Malolos, Bulacan. Dito niya inilahad ang magiging pakinabang ng mga nasa hog industry sa Animal Competitiveness Enhancement Fund upang maging ganap ang pagbangon mula sa African Swine Fever. (Shane F. Velasco/PIA 3)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News