Saturday, January 24, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsTaunang Minasa Festival, nakatulong sa pagsagana ng ani sa Bustos

Taunang Minasa Festival, nakatulong sa pagsagana ng ani sa Bustos

BUSTOS, Bulacan — Hindi lamang napalakas ng taunang Minasa Festival ang industriya ng paggawa ng Minasa sa bayan ng Bustos sa Bulacan kundi nagbukas din ito ng pagkakataon upang kumita nang maganda ang mga magsasaka rito.

Ayon kay Mayor Francis Albert Juan, hindi maikakaila na malayo na ang nararating na merkado ng Minasa dahil hindi nauubos ang patuloy na tumatangkilik nito.

Kaya’t sa pagdadaos ng nasabing festival, nasusuportahan din aniya ang mga magsasaka tulad ng may itlugan, kamote na ginagawang harina at maging ang mga may gulayan na isinasabay na rin sa pagtitinda nitong Minasa.

Tinawag na Minasa dahil ito ang salita na nangangahulugan ng paraan sa paggawa ng Minasa sa pamamagitan ng pagmamasa.

Base sa mga talang pangkasaysayan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office, isang pagkaing para lamang sa mga nakakataas sa lipunan ang Minasa noong panahon ng mga Kastila dahil sa mga mahal ng mga sangkap.

Sa pagdaan ng panahon, nagsilbi itong kabuhayan ng mga taga-Bustos partikular ang nasa 10 pamilya na gumagawa nito.

Taong 2003 nang nakabilang ang Minasa sa Tatak Bulakenyo program ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office.

Pagdating ng 2004, nagsimula nang tumulong ang Department of Trade and Industry, sa pamamagitan ng programang One Town, One Product o OTOP upang mapataas pa ang kalidad nito sa larangan ng shelf life, branding, packaging at marketing.

Kasama na rin ang pagpaparami ng produksiyon na susi para makapasok sa mas malalaking merkado.

Samantala, kasabay ng pag-aalok sa mga turista na bumili ng mga Minasa, kasabay na rin ang pagtitinda ng mga aning High-Value Commercial Crops mula sa masaganang sakahan ng Bustos.

Nagsilbing mekanismo nito ang lagi nang pagkakaroon ng Kadiwa ng Pangulo ng Department of Agriculture at Municipal Agriculture Office sa buong durasyon ng festival. (UnliNews Online)

PHOTO CAPTION:

NAGING makulay at masaya ang isinagawang paligsahan ng street dancing at showdown competition kasabay ng pagdiriwang ng ika-16 na taon Minasa Festival sa bayan ng Bustos sa Bulacan. Bukod sa labanan sa sayawan, tinampukan din ito ng iba’t ibang aktibidad kabilang ang pagdaraos ng trade fair na nagtatampok ng pamosong pagkain na Minasa. (Vinson F. Concepcion/PIA 3)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News