Monday, February 9, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsBagong munisipyo at assembly park ng Bayan ng Angat, pinasinayaan!

Bagong munisipyo at assembly park ng Bayan ng Angat, pinasinayaan!

ANGAT, Bulacan — Pormal nang pinasinayaan ang bagong bahay Pamahalaan sa Bayan ng Angat noong Enero 26, 2026, kaalinsabay ang pagbabasbas ng Assembly Park na matatagpuan sa Brgy. San Roque. Matapos ang naturang inagurasyon ay agad na isinagawa ang “unveiling of the marker” bilang tanda ng panibagong yugto sa paglilingkod-publiko.

Pinangunahan ni Angat Mayor Reynante “Jowar” S. Baustista at ang kaniyang katuwang sa paglilingkod na si Vice Mayor Arvin Agustin, mga kasapi ng Sangguniang Bayan at mga pinuno ng pamahalaang bayan ang isang makabuluhang programa.

Dumalo din bilang panauhing pandangal sina Cong. Salvador Pleyto, Vice Gov. Alex Castro, kinatawan ni Senador Joel Villanueva na si G. Chris Sarmiento, DILG Provincial Director Myrvi Apostol Fabia, DILG Regional Director Araceli San Jose, CESO III, District Engr. George Santos, BM Art Legaspi at BM Jay De Guzman.

Sumaksi at nakiisa rin sa nabanggit na okasyon ang ilang punong bayan ng Bulacan, mga civil society organizations (CSOs) at mga kawani ng pamahalaang bayan.

Sa pagbabalik-tanaw, parang kailan lamang nagsimulang mangarap ang Bayan ng Angat na magkaroon ng bagong munisipyo, hanggang sa ito ay plinano at sinimulan itindig. Ang dati rati’y pangarap lamang ay nagkaroon na ng katuparan na tatatak sa legasiya ng Asenso at Reporma.

Taos pusong pinasalamatan ni Mayor Jowar Bautista ang ama ng ika-6 na distrito na si Congressman Salvador “Ador” Pleyto at sa lahat ng mga tumulong upang maisakatuparan ang nabanggit na proyekto, aniya “hindi po masisimulan ang pangarap na ito kundi dahil sa inyong kagandahang loob.”

Pinasalamatan din ng alkalde ang mga mamamayan at malugod niyang ipinahayag na “kayo ang tunay na dahilan kung bakit itinayo ang mga pasilidad na ito, ang munisipyo ang magiging tahanan ng serbisyo, serbisyong tapat, makatao at makabuluhan habang ang assembly park naman ay magsisilbing lugar ng pagkakaisa, pahinga at pagdiriwang ng ating kultura at pagkakabuklod.

“Ang araw na ito ay hindi katapusan ng isang proyekto kundi panimula ng mas masigasig na paglilingkod, panata po namin na ang gusaling ito ay hindi magiging simbolo ng kapangyarihan kundi ng pananagutan. Hindi lamang lugar ng dessisyon kundi ng pakikinig sa mamamayan. Nawa’y magsilbi ang bagong munisipyo at assembly park bilang patunay na kapag nagtutulungan ang pamahalaan at mamamayan, kayang kaya natin magtayo ng maayos, mas ligtas at mas maayos na kinabukasan,” pagtatapos ni Mayor Jowar. (May dagdag na ulat si Allan Casipit)

PHOTO CAPTION:

ANG bagong munisipyo o pamahalaang bayan at assembly park sa Bayan ng Angat na pormal na pinasinayaan noong January 26, 2026. Ito ay matatagpuan sa Barangay San Roque, Angat, Bulacan. (Mga kuha ni ALLAN CASIPIT)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News