BILANG isang Senior Citizen, nasaksihan ko ang napakaraming kabanata ng kasaysayan ng Bulacan, ang mga pagsubok, ang mga tagumpay, at ang hindi matatawarang katatagan ng ating mga mamamayan. Ngayon, hindi ako susulat tungkol sa nakaraan, kundi tungkol sa isang kinabukasang puno ng pag-asa: ang Bulacan Mega City.
Batay sa ating pananaliksik, sakop nito ang 500 ektarya sa mga bayan ng Pandi, Bocaue, at Balagtas. Ang proyektong ito ang sentro ng Provincial Development and Physical Framework Plan 2024-2036 ng lalawigan, na naglalayong gawing isang makapangyarihang sentro ng ekonomiya at “first-world province” ang Bulacan pagsapit ng 2040. Ang Unang Yugto (Phase 1) ay nakatakdang maitatag pagsapit ng 2030.
Hindi lamang ito basta gusali at semento. Ito ay sentro na dinisenyo upang makahikayat ng malalaking pamumuhunan mula sa loob at labas ng bansa sa larangan ng Business Process Outsourcing (BPO), magagaang industriya, at komersiyo. Magbubunga ito ng libu-libong de-kalidad na trabaho dito mismo sa ating tahanan. Makokonekta rin ito sa mga pangunahing kalsada at transportasyon, na maglalagay sa Bulacan bilang isang mainam na alternatibo sa Metro Manila, habang binibigyang-halaga ang pangangalaga sa kalikasan at pantay na pag-unlad.
Ibinahagi ni Gobernador Daniel R. Fernando ang pananaw na ito: Ang pangarap na maging isang first-world province at sentro ng ekonomiya ang Bulacan ay abot-kamay na. Ang Bulacan Mega City ay huhubog sa ating lalawigan upang maging isang moderno at masiglang sentro na magbibigay ng pagkakataon at sisigurong aabot ang pag-unlad sa bawat Bulakenyo. Hindi lang ito tungkol sa mga gusali; tungkol ito sa pagbuo ng mas magandang kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.
Ayon kay Mayor Enrico “Rico” Roque ng Pandi, pinuno ng economic team para sa proyekto:
“Ipinagmamalaki ng Pandi na maging bahagi ng mahalagang hakbang na ito, kasama ang Bocaue at Balagtas. Inaasahang magbubunga ito ng 100,000 trabaho, na magdadala ng pagkakataon mismo sa ating mga pintuan. Nagsisikap kami upang matiyak na ito ay inklusibo, makakalikasan, at tunay na makikinabang ang bawat residente.”
Tsk! Tsk! Tsk! Ang artikulong ito ay patunay ng katotohanan, na nagtatama sa mga dating maling impormasyon upang maipakita ang malinaw na direksyon ng ating lalawigan. Ang Bulacan Mega City ay isang kahanga-hangang pagkakataon para sa kasaganaan at pag-unlad ng mga Bulakenyo. Ito ay isang kinabukasang sabik na masaksihan, isang pamanang sabay-sabay na itinatayo, at isang pangakong ang pinakamagagandang araw ng lalawigan ay darating pa lamang. Hanggang sa muli. (UnliNews Online)

