DAHIL malapit na ang Barangay and Sanggunian Kabataan Elections (BSKE), umingay na namang muli itong panukalang batas na Magna Carta for Barangay Officials na matagal nang pinatutulog sa Kongreso at malamang na sumiglang muli ang deliberasyon sa Kamara st sa Senado hinggil sa proposed bill na ito na dalawang dekada ng nakabinbin sa Kongreso.
May ilang kritiko ang nagbigay ng kanilang opinyon tungkol sa magna carta para sa mga opisyal at mga boluntaryong tauhan ng barangay. Sabi nila, hindi daw maaaring ipasa sa local government units ang paglalaan ng pondo sa nasabing panukalang batas kung sakali na ito ay maipasa sa dalawang kapulungan ng Kongreso at malagdaan ng pangulo ng Pilipinas.
Sabi nila, magkakaiba raw ang ang financial capacity ng bawat LGUs kaya marapat lang na iklasipika ang sahod ng mga pasasahuring barangay officials at volunteers at depende iyon sa classification income ng bawat LGU mula sa 1st class hanggang 6th class municipalities.
Isa pa, magkakaiba raw ang work load ng bawat barangay depende sa kani-kanilang populasyon. Sa kabilang banda puwedeng magkaroon ng equity at ng fiscal realism dahil magkakaiba rin umano ang complexity at serbisyo kaya hindi maaari ang one size fits at all.
May pananaw din na puwede naman umano na sa General Appropriations Act (GAA) o sa national budget ng gobyerno huhugutin ang pondo dahil kung nagawang mapondohan ng bilyong piso para sa flood control projects, maging ang ‘proyektong multo,’ na sa kapakinabangan lang mga tiwaling tauhan ng gobyerno at private individuals, magagawa ring mapondohan ang badyet para sa Magna Carta for Barangay Officials gayundin naman ang mga volunteers.
Pero dapat din namang isaalang-alang na kung ang national government ang magpopondo sa Magna Carta for Barangay Officials, nako, mahigit sa 40 libong mga barangay sa buong Pilipinas ang paglalaanan ng napakalaking pondo kaya ang pagpapatupad nito kapag ganap ng batas ay depende sa kakayahan ng pondo ng ating bansa. Makakaya kaya? Hintayin na lang natin.
Kaya huwag munang umasa ang mga nanunungkulang kapitan, treasurer, secretary at mga volunteers ng barangay dahil baka walang iniwan sa pinagbabanggang pompiyang o cymbals ang ingay ng panukalang batas na Magna Carta for Barangay Officials at kung tapos na ang BSKE ay tatahimik na naman ang ingay. Dormant na naman sa Kongreso.
Magandang pakinggan na magkakaroon na na ng regular na sweldo ang mga barangay officials na katumbas ng sahod ng miyembro ng sanggunian bayan. Ang tanong. Kailan ito mangyayari o maisasakatuparan? Siyempre kapag naging batas na ang Magna Carta for Barangay Officials.
Kasi naman nagiging exaggerated ang balita. Kaya itong mga nagbabalak tumakbo sa BSKE 2026 ay nag-uusap usap na. May kwento nga ang mga bubuwit na may dalawang taong barangay daw ang nag-usap at kapwa sila may pangarap na maging kagawad ng barangay. Sabi ng una, “pare tumakbo tayo sa pagka-kagawad ng barangay. Itataas na raw ang sweldo ng kapitan at kagawad tulad ng sahod ng konsehal ng bayan.”
Sagot naman ng isa pa, aba kainam niyan. Sige tumakbo tayo sa barangay election malaki pala ang sweldo.” Dios mio, pansariling interes.
Kaya, mag-abang lang at baka sa panahon ng 20th Congress ay maipasa na ang panukalang iyan. Magtatapos kasi ang ika-20 Kongreso sa pagtatapos ng huling termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Hunyo 2028. Kaya doon sa mga barangay na bahagi ng 6th class municipalities na tumatanggap ng maliit na NTA, hintayin na lang na maisabatas ang Magna Carta for Barangay Officials. (UnliNews Online)

