CAMP GEN. ALEJO SANTOS — Arestado ang Most Wanted Person (City Level) sa isinagawang manhunt operation ng mga operatiba ng San Jose Del Monte City Police Station sa Brgy. Minuyan Proper, City of San Jose Del Monte, Bulacan noong Martes (Feb. 24).
Ayon sa ulat, kinilala ang naarestong suspek na isang 27 taong gulang na lalaki, binata at residente ng Towerville, Brgy. Minuyan Proper, sa nasabing lungsod.
Ang wanted ay naaresto dakong alas-11:22 ng umaga sa Lower Quarry, Brgy. Minuyan Proper, sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Rape by Carnal Knowledge (2 counts) na inisyu ni Hon. Ma. Cristina Geronimo Juanson, Presiding Judge ng RTC Branch 5-FC, City of San Jose Del Monte, Bulacan noong Pebrero 13, 2026, na walang inirekomendang piyansa.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Warrant Section ng SJDM CPS bilang lead unit at ng 301st Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 3.
Matagumpay na naaresto ang akusado at agad na dinala sa kustodiya ng SJDM CPS para sa pansamantalang pagkakakulong at wastong dokumentasyon bago iharap sa hukuman na naglabas ng kanyang warrant of arrest. (UnliNews Online)

