BINALAAN ni Nicolas D. Torre III, dating Chief ng Philippine National Police at kasalukuyang General Manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang mga commuters o mananakay na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal at delikadong gamit habang bumibiyahe.
Sa opisyal na social media post ni Torre, binigyang-diin nito na kabilang sa mga hindi dapat dalhin sa pampublikong transportasyon ang mga matutulis at mapanganib na kagamitan tulad ng kutsilyo, lighter, gas canisters, at iba pang bagay na maaaring makapinsala sa kapwa pasahero.
Ayon sa kanya, maaaring maabala ang biyahe ng pasahero at makumpiska ang naturang gamit kapag naharang sa security inspection.
Bahagi ito ng pinaigting na kampanya para sa kaligtasan at kaayusan sa mga terminal, istasyon, at pampublikong sasakyan sa Metro Manila. Nagsasagawa rin ng regular na inspeksyon ang MMDA at mga kinauukulang ahensya upang tiyakin na nasusunod ang mga patakaran sa seguridad at transport safety.
Hinimok ng dating PNP chief ang publiko na makiisa sa mga alituntunin upang maiwasan ang aksidente at anumang banta sa kaligtasan ng mga mananakay.
“Mas mabuting sumunod sa patakaran upang maging ligtas ang biyahe ng lahat,” paalala pa ni Torre.
Patuloy namang nananawagan ang MMDA sa mamamayan na maging disiplinado at responsableng commuter para sa mas maayos at ligtas na transportasyon sa buong Metro Manila. (UnliNews Online)
Source/Photo: Nicolas Torre II

