CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado sa follow-up operation nitong Sabado (Pebrero 28) ang isa sa apat na suspek na tumangay ng may kabuuang halagang P3,296,500 ng mga alahas at cellular phones sa bayan ng Bocaue.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Gilbert Diaz, Chief of Police ng Bocaue, nangyari ang nasabing nakawan bandang alas-7:20 ng gabi noong Pebrero 25 sa Villa Zaragoza, Brgy. Turo.
Puwersahan umanong pinasok ng apat na armadong kalalakihan na pawang nakasuot ng mask at jacket ang bahay ng mga biktima at tinutukan ito ng hindi mabatid na kalubi ng baril bago tangayin ang mahahalagang gamit.
Ayon sa isinagawang masusing imbestigasyon at koordinasyon ng Bocaue police at Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU), isang puting Honda City na may plate # ABT-574 bilang gateway vehicle.
Napag-alaman din mula sa imbestigasyon na ginamit din umano ang naturang sasakyan sa mga insidente ng pagnanakaw sa Paranaque City at mga kalapit na lugar ng “Rizal Criminal Group.”
Sa follow-up operation, nakilala ang dalawang suspek na kapwa residente ng Tanay at positibong itinuro ng mga biktima sa isinagawang pagkilala.
Noong Sabado, Pebrero 28, nag-post sa social media ang isa sa mga suspek tungkol sa nawawalang plaka.
Isang undercover agent ang sumagot sa socmed post na nakita niya ang nawawalang plaka at nag-ayos ng meeting sa Tanay Municipal Police Station.
Isang saksi ang palihim na sumama sa undercover agent at positibong kinilala ang suspek bilang isa sa mga armadong tulisan.
Arestado ang suspek na residente ng Tanay, Rizal at inilagay sa kustodiya ng Bocaue Municipal Police Station kasama ang narekober na sasakyan.

