KUNG ang relihiyon ay mayroong basehan para sa pamamahala ng kani-kanilang samahan, denominasyon o organisasyon, ang banal na kasulatan, ang bawat sanggunian mula panlalawigan, pang bayan, pang lungsod at pang barangay at mayroon din bibliyang basehan ng pamanahala ang Local Government Code of 1991
Sabi ng aking tropang media, bakit daw palaging barangay ang aking paksa. Simple lang ang aking tugon. Maraming istorya sa barangay lalo na ngayong nalalapit na ang Barangay and Sanggunian Kabataan Elections (BSKE). Marami kasi kakandidatong kapitan sa BSKE 2026 at mas marami ang tatakbong kagawad.
Okey lang naman kumandidato sa halalang pambarangay lalo na kung marubdob ang hangaring maging public servant. Pero baka naman kung kaya ka lang tatakbo dahil nagaya ka lang o nasulsulan ay hindi lingkod bayan ang hanap mo kungdi puwesto o titulo lang. Kung kapitan naman ang puntirya mo sa eleksyon, walang ‘one man band/rule’ o diktadurya sa barangay. Kaya nga may Sanggunian Barangay, may mga kasangguni ang kapitan kapag may mga bagay na pagtitibayin.
Sa mga tatakbo sa pagka-kagawad, hindi larong patintero at luksong-tinik ang inyong lalahukan. Ang barangay ay isang maliit na kongreso na ang mga kagawad ay may papel bilang legislator: tagalikha ng mga panukala at mga ordinansa kaya kailangang alam ninyo ang batas ng pamahalaang lokal at kung hindi pa, malaki pa ang panahon para magsuri at aralin ang mga mga probisyon sa bibliya ng lokal na pamahalaan (R.A. No. 7160)
Wika nga, iba ang may alam dahil kapag kayo ay nahalal ng walang alam ay magiging sunud-sunuran lang kayo sa inyong kapitan — tagatango, taga amen, taga sang-ayon (puppet kagawad) pero kung kayo ay may alam sa parliyamentaryong pamamalakad, magiging maayos at komprehensibo ang deliberasyon sa pagbuo ng desisyon dahil nakasalig iyon sa prinsipyo at patakaran na umaalinsunod sa desisyon ng nakararami.
Kaya iyang pagdedebate sa kapulungan ay bahagi ng proseso iyan sa malayang pagpapahayag ng saloobin. Kung may nakapagitnang mosyon na dadaanin sa argumento, diyan naman paiiralin ang botohan o proseso ng pagpapasya. Puwede taasan ng kamay o pilitilya (botohan/balota). Kapag ang bawat kasangguni ay binibigyan ng pagkakataon makapagsalita ng kanilang saloobin, magiging maayos ang daloy ng pagpupulong.
Sa alinmang organisasyon ay mayroong mga panloob na patakaran. Gayondin naman sa sanggunian barangay na mayroong Internal Rules of Procedures (IRP) at nakasaad ito sa Section 48 ng Local Government Code. Kabilang sa rules ang pagbuo ng mga komite tulad sa pananalapi; kababaihan at pamilya; karapatang pantao; kabataan at sports development; environmental protection at iba pa.
Hindi naiiwasan na may mga kagawad na tamad dumalo sa session kaya naman sila ay pinapatawan ng penalties tulad ng pagkaltas sa kanilang buwanang honorarya alinsunod sa kanilang pinagtibay na IRP. Mayroon din namang sanggunian barangay na nagpapataw ng suspension sa kagawad na nakagawa ng mas mabigat na paglabag.
Kaya mahalaga na bago pa man pumalaot sa larangan ng pulitika sa barangay ang mga tao na nagnanais maglingkod sa kanilang barangay ay dagdagan muna ang mga kaalaman dahil kung well equipped ka sa kaalaman lalo na sa Local Government Code ay magagamit mo sa session ang kaalaman na iyong natutunan at magkakaroon ka ng lakas ng loob at kumpiyansa sa sarili na gamitin ang “Question of Privilege” sa panahon ng session ng sanggunian kapag may mga paksang tinatalakay na hindi malinaw sa iyo. (UnliNews Online)

