BALAGTAS, Bulacan (PIA) — Mas paiigtingin ng Social Security System (SSS) ang ugnayan nito sa mga kooperatiba sa Bulacan.
Bilang hudyat nito, pumasok sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang SSS Bocaue Branch at San Lorenzo Multipurpose Cooperative (SLMC) sa bayan ng Balagtas kung saan magsisilbing bagong collecting agent ng ahensya ang naturang kooperatiba.
Ayon kay SSS Senior Vice President Antonio Argabioso, hangad ng ahensya na lalong makatupad sa mandato nito na naaayon sa Republic Act 11199, na maaring maging collecting agents nito ang mga kooperatiba na nakarehistro sa Cooperative Development Authority.
Bukod dito, kabilang sa mga rekisito upang maging collecting agent ay kinakailangan na ang isang kooperatiba ay regular na naghuhulog ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado gayundin ang mga empleyado ng mga kasapi nito.
Ang madedestino na kolektor ng kooperatiba ng mga hulog para sa SSS contribution ay bonded ng ahensya tulad ng mga kahera na regular na mga empleyado nito.
Kailangan ding nasa isang libong katao ang regular na mga kasapit at umiiral na sa nakalipas na tatlong taon ang isang kooperatiba.
Sinabi ni SSS Vice President for Luzon Central 1 at 2 Gloria Corazon Andrada na bilang Cooperative Capital ng Gitnang Luzon at ng Pilipinas sa kabuuan, makatarungan aniya na mas maparami rin ang bilang ng mga kasapi ng mga kooperatiba na masasaklaw ng mga benepisyo ng SSS sa pagreretiro, panganganak, pagkakasakit, pagkawala ng trabaho, pagkabaldado, pagkamatay hanggang sa mailibing.
Kung madadagdagan aniya ang mga kooperatiba na magiging collecting agent ng SSS, magiging istratehiyang direksiyon ito upang matupad ang nasabing bisyon.
Nakapaloob sa nilagdaang MOA na bukod sa pagtanggap ng contributions, maaari ring magproseso sa isang collector agent na kooperatiba ng member loan amortizations, magparehistro bilang SSS member, makagawa ng online account sa SSS sa pamamagitan ng My.SSS at makapag sumite ng aplikasyon para makatamo ng SSS benefits o loans.
Pang-pito na ang SLMC sa mga naotorisado ng SSS na maging isang collector agent nito, kung saan nasa 1,892 na mga kasapi nitong kooperatiba ay pawang kasapi na rin sa ahensya.

