LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Mas palalakasin ang bentahe ng Malolos bilang isang Smart City sa paglawak ng saklaw ng PalengQR PH Plus sa mga Karatig jeep, tricycle at sa Bancheto Night Food Market.
Iyan ang tinuran ni Department of Trade and Industry Bulacan Acting Provincial Director Coco Chanel Garcia-Yap sa pormal na paglulunsad ng programang digitalization na direktang pakikinabangan ng mga mamimili at maging ng mga mangangalakal.
Para sa kanya, isang malaking sangkap ang PalengQR upang makinabang ang karaniwang mga mamamayan sa mga biyaya ng Malolos Smart City, na nakakuha na ng sertipikasyon mula sa Department of Information and Communications Technology kamakailan.
Ito ang kategorya o estado ng isang bayan, lungsod o lalawigan na ang mga sistema sa mga proseso ng mga papeles at transaksiyong pampananalapi ay ipinapatupad sa pamamagitan ng bentahe ng information and communications technology.
Umakma ito sa pangunahing programa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na PalengQR PH Plus, dahil na nagsusulong na mai-onboard ang 70 porsyento ng mga Pilipino sa digital transactions sa mga palengke, pampublikong transportasyon at iba pang may pakikipag transaksiyong bayarin ang mga mamimili.
Sinabi ni BSP Cabanatuan Branch Area Director Olivia Cornejo-Mallari na sa pamamagitan ng paglalagay ng mga quick response o QR codes, saktong nababayaran ng isang mamimili ang halaga ng kanyang biniling produkto o serbisyo nang hindi na kailangang humawak ng perang papel o barya.
Wala na itong suklian kaya’t natitiyak na ang nababawas sa e-wallet ay ang halaga lamang na dapat ibayad.
Sa Malolos, tinatayang nasa 300 na mga operators ng Karatig, ang tradisyunal na jeep sa lungsod na alanganing owner-type at pampasaherong jeep, ang kakabitan ng QR Code habang mahigit 100 na mga may pwesto sa Malolos Banchetto Night Market magiging onboard sa PalengQR PH Plus.
Sila ang mga creative food stalls na pumupwesto sa magdamag sa tabi ng bagong City Hall na nasa loob ng Malolos Government Center.
Kaugnay nito, sinabi ni Malolos City Public Market Master Florante Bautista, na target nang gawing 100 porsyento o maipailalim sa PalengQR PH Plus ang kabuuan na 908 na may pwesto rito at 600 na mga ambulant vendors.
Lalagyan din ang bubuksan na karagdagang 288 na mga pwesto. (UnliNews Online)

