CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng Meycauayan City Police Station ang isang lalaki na kabilang sa Top 1 Most Wanted Person sa antas munisipal ng Kalilangan MPS, Bukidnon sa isinagawang operasyon noong Sabado ng hapon (Marso 7) sa Brgy. Camalig, Meycauayan City, Bulacan.
Batay sa ulat ng Meycauayan City Police Station (CPS), kinilala ang naarestong akusado na si alias Bob, 41 taong gulang, binata at residente ng Sitio Busugan, Ninoy Aquino, Kalilangan, Bukidnon.
Ang pag-aresto ay isinagawa ng mga tauhan ng Warrant Section ng Meycauayan CPS at sa pakikipag-ugnayan sa Kalilangan Municipal Police Station sa pamumuno ni P/Capt. Teresita L. Manejero, Officer-in-Charge.
Naaresto ang akusado sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Qualified Rape sa ilalim ng Criminal Case No. 41132-23 na inilabas ni Hon. Isobel Galenzoga Barroso , Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 8, Malaybalay City, Bukidnon noong Hunyo 1, 2021, na may rekomendasyong walang piyansa.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatang konstitusyonal at dinala sa Meycauayan CPS Custodial Facility para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda ang pagbabalik ng warrant sa hukuman na naglabas nito. (UnliNews Online)

