CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Matagumpay na naisilbi ng mga operatiba ng Baliwag City Police Station (CPS) ang isang warrant of arrest laban sa isang akusado sa kasong murder kamakailan.
Kinilala ang boluntaryong sumuko na si alias “Burit,” 53 taong gulang, residente ng Brgy. Sulivan, City of Baliwag, Bulacan, at sinasabing miyembro ng Sulit Criminal Gang na nag-ooperate sa lalawigan ng Bulacan. Siya ay akusado sa kasong murder kaugnay sa insidente ng pagpaslang na naganap noong Hunyo 7, 2025 sa Brgy. Sabang, City of Baliwag, Bulacan.
Ayon kay P/Lt. Col. Jayson San Pedro, Chief of Police ng Baliwag Police Station, ang operasyon ay bunga ng masusing intelligence monitoring at tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan ng Tracker Team ng Baliwag CPS, sa pakikipagtulungan ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) at Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC).
Ang warrant of arrest laban sa akusado ay inilabas ni Hon. Veronica A. Vicente-De Guzman, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 9, Malolos, Bulacan noong January 6, 2026, para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa.
Sa kasalukuyan, ang akusado ay nasa kustodiya ng Baliwag CPS para sa kaukulang dokumentasyon bago dalhin sa hukuman na may hurisdiksyon sa kaso. (UnliNews Online)

