CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bulacan Police Provincial Office ang isang lalaki matapos ang pagbebenta ng iligal na baril sa isinagawang buy-bust operation noong Marso 4, 2026 bandang alas-10:30 ng gabi sa Brgy. Tabang, Guiguinto, Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Russel Dennis E. Rebuariano, Hepe ng Provincial Intelligence Unit ng Bulacan PPO, kinilala ang naarestong suspek na si alias RC, 21 taong gulang at residente ng Brgy. Potrero, Malabon City.
Isinagawa ang operasyon ng PIU Bulacan bilang lead unit, katuwang ang mga tauhan ng Guiguinto Municipal Police Station (MPS), laban sa suspek kaugnay ng ilegal na pagbebenta ng baril.
Sa operasyon, nahuli sa akto ang suspek na nagbebenta ng isang Caliber .40 pistol na Bersa Mini Thunder na may Serial Number 548978, na may lamang magazine na kargado ng 4 na bala ng Caliber .40, sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer. Naganap ang transaksyon kapalit ng buy-bust money.
Matapos ang pre-arranged signal, agad na inaresto ng mga operatiba ang suspek at ipinaalam sa kanya ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal. Nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang nasabing baril, isang magazine na may 4 na live ammunition, ang buy-bust money na nagkakahalaga ng P5,000.00, at isang (1) itim na holster.
Ang naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa tanggapan ng PIU Bulacan para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Office of the Prosecutor. (UnliNews Online)

