CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Matagumpay na naisagawa ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Pulilan Municipal Police Station (MPS) ang isang anti-illegal drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang hinihinalang drug personality noong Sabado ng gabi (Marso 14) sa bayan ng Pulilan, Bulacan.
Kinilala ang suspek sa alyas “Alou,” 45 taong gulang, babae, dalaga, at residente ng Pulilan, Bulacan.
Ayon sa ulat, bandang alas-10 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba kung saan isang undercover na pulis ang kumilos bilang poseur-buyer at matagumpay na nakabili ng hinihinalang ilegal na droga mula sa suspek kapalit ng 1 piraso ng markadong P500.00.
Matapos ang transaksyon ay agad na inaresto ng mga operatiba ang suspek. Nakumpiska mula sa kanya ang limang piraso ng maliliit na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng puting kristalinong substansiya na hinihinalang shabu, at isang kulay asul na coin purse kabilang na ang buy-bust item at ang ginamit na markadong buy-bust money.
Ang kabuuang tinatayang bigat ng nakumpiskang hinihinalang shabu ay humigit-kumulang 2.65 gramo na may tinatayang Standard Drug Price na nagkakahalaga ng P18,020. (UnliNews Online)

