PANDI, Bulacan — Ipinamahagi ng Local Government Unit ng Pandi sa pangunguna ni Mayor Enrico Roque ang local pension para sa mga senior citizen sa nasabing bayan kamakailan.
Sinambit ni Mayor Roque ang kahalagahan ng patuloy na suporta sa mga senior citizens at nangakong ang pamahalaang lokal ng Bayan ng Pandi ay patuloy ang pakikipagtulungan sa DSWD at iba pang ahensya upang tiyakin na ang ating mga lolo’t lola ay patuloy na makakatanggap ng kinakailangang tulong.

Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng patuloy na pag-aaruga at pagpapahalaga sa mga lolo at lola, na kinikilalang mahalagang bahagi ng komunidad.
Ayon sa mga senior citizen, malaking tulong ang naturang pensyon upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga benepisyaryo, kabilang ang pambili ng gamot, pagkain, at iba pang gastusin sa bahay.
Ani Roque, “layunin ng pamahalaan na suportahan ang mga indigent seniors na walang regular na pinagkakakitaan o pensyon mula sa SSS, GSIS, o anumang pribadong institusyon.” (UnliNews Online)

