LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tinulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga dating manggagawa ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na makuha ang kanilang pinakahuling sahod at mga benepisyo na aabot sa P385 milyon.
Ayon kay DOLE Bulacan Field Office Chief Jose Roberto Navata, alinsunod ito sa polisiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.
May 212 na mga dating empleyado ang maghahati-hati sa P385 milyon na kinapapalooban ng kanilang mga separation pay, final pay, pro-rated 13th month pay, at additional gratuity pay.
Nagmula sa iba’t ibang lebel ng trabaho sa toll operator company ang mga manggagawa na kinabibilangan ng mga dating executives, supervisors, senior and middle management, at mga rank-and-file personnel.
Para matiyak ang maayos at bukas na pagtamo ng mga sahod at benepisyo, inorganisa ng DOLE ang isang quick response team para matiyak na hindi ito mababalam.
Sa isang pahayag, sinabi ni MPTC Human Resource Business Partner Mark Johnson Gil na nakatulong nang malaki ang DOLE dahil nakasubaybay sila sa bawat proseso.
Natugunan aniya ang bawat problema at usapin nang hindi na kailangang palakihin pa.
Bukod dito, sinabi rin ni Navata na may makukuha pa sila na benepisyo sa Social Security System sa ilalim ng Unemployment Insurance Benefits, na isang tulong pinansiyal para sa mga nawalan ng trabaho sa isang biglaang pagkakataon.
Sa itinakdang araw ng pagpapalabas ng huling sahod, nagtatag din ang MPTC ng isang assistance booth, kasama ng DOLE, kung saan maaring magtanong at humingi ng paglilinaw ang mga apektadong empleyado hinggil sa kanilang mga benepisyong pinansyal at iba pang usaping may kaugnayan sa paggawa.
Samantala, ibinalita naman ni Provincial Public Employment Service Office Head Egbert Robles na patuloy na aalalayan ang 212 na dating mga taga MPTC para muling magkaroon ng trabaho.
Ito’y sa pamamagitan ng isang job fair na buwan-buwan ay isinasagawa ng pamahalaang panlalawigan. (UnliNews Online)

