Wednesday, April 1, 2026
Amana Water Park
HomeOpinionAUTHOR'S VIEWPOINTVia Dolorosa (Way of Sorrows)

Via Dolorosa (Way of Sorrows)

TUWING sumasapit ang Semana Santa, karamihan sa mga pelikula na ipinapalabas sa television ay patungkol sa buhay ni Jesus, na siya ring main character sa mga pelikula na pang Mahal na Araw. Palagi rin nating nadidinig sa Holy Week events ang “Via Dolorosa” na sa wikang English ay “Way of Sorrows” na nagsimula sa Antonia Fortress, sa lumang siyudad ng Jerusalem hanggang Golgotha o burol na Bungo.

Sa ating panahon, tinawag natin itong “Stations of the Cross” ang labing-apat na yugto ng Via Dolorosa na kung saan lumasap ng matinding pahirap si Jesus sa mga kamay ng mga sundalong Romano na mga tauhan ni Poncio Pilato habang pasan ni Jesus ang mabigat na krus na pagbibitayan sa kanya.

Bakit nga ba ipinako at pinatay si Jesus sa krus? Siya ay pinaratangan ng mga Hudyo na nagpapanggap na anak ng Diyos, sa kabila ng mga himala na kanyang ginawa tulad ng pagpapagaling ng iba’t ibang uri ng sakit tulad ng pagpapalakad sa polio victim, ang pagbalik sa paningin ng taong bulag mula sa kanyang pagkabata at ang pagbuhay sa patay tulad ng pagbuhay niya kay Lazaro na tatlong araw ng nakalibing.

Sa kasulatan ng mga Hudyo ay nakasulat ang hula ni propeta Isaiah tungkol sa isang sanggol na ipapanganak ng isang birhen. Ang kanyang pangalan ay tatawaging Emmanuel, na ang kahulugan ay Kasama natin ang Diyos. Sinabi rin sa kasulatan na ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat at siya’y  tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.

Ang hinihintay marahil ng mga Hudyo na Mesiyas ay manggagaling sa marangyang pamilya. Si Jesus kasi ay isinilang sa kural ng mga hayop at ang magulang sa laman ay sina Jose at Maria na kapwa mahirap lamang kaya hindi nila kinikilala si Jesus bilang Mesiyas o tagapagligtas. Isang simpleng propeta lamang ang pagkakilala nila kay Jesus.

So, let’s make the story short. Makaraang litisin si Jesus ng mga punong saserdote tulad nina Caypas at Anas, ang usapin ay isinampa sa tanggapan ni Poncio Pilato. Siya ang gobernador ng Judea ng panahong iyon. Makaraang dumaan sa cross examination kay Pilato si Jesus ay nabatid niya na walang mabigat na dahilan  para hatulan ng kamatayan si Jesus at sinabi iyon ni Pilato sa mga Hudyo na umuusig kay Jesus. Dahil doon nagbanta ang mga complainant kay Pilato na ipaparating nila sa emperador ang legal opinyon ni Pilato, at kanilang palalabasin na hindi kaalyado Cesar, si Pilato kapag pinalaya niya si Jesus, kaya nagulumihanan ang gobernador.

Nakaisip ng paraan si Pilato para maabswelto si Jesus sa kasong isinampa sa kanya ng mga Hudyo. Dahil panahon noon ng paskuwa, naging kaugalian ng pamahalaang Romano na magpakawala ng bilanggo kaya iniutos niya sa kanyang mga kawal na ilabas sa kulungan ang pusakal na kriminal na si Barabas at pinagtabi sila ni Jesus sa harap ng mga tao. Malakas ang boses na sinabi ni Pilato sa mga taong naroon ang batas Romano. Sino ang gusto nilang palayain, si Barabas ba o si Jesus?

Tumugon ang mga tao kay Pilato. “Palayain si Barabas at ipako sa krus si Jesus!” Paulit-ulit nilang isinigaw ang gayon. Nasukol na si Pilato. Hindi na niya kayang baguhin ang pasya ng mga tao kaya nagpakuha siya ng palanggana na may tubig at sa harap ng mga tao ay naghugas siya ng kanyang mga kamay at sabay sabi ng ganito:”Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Kayo ang dapat managot. Malinis ang kamay ko sa bagay na ito.”

Kaya mula sa Antonia Fortress ay kinaladkad ng mga tao si Jesus at ipinasan sa kanya ang mabigat na krus saka pinalakad patungong Golgotha, ang lugar na kung saan ititindig ang dala niyang krus at doon siya ipapako hanggang kamatayan. Naroon na rin at nakapako na sa pagitan ng krus ni Jesus ang dalawang magnanakaw na pinangalanang Dimas at Jestas at habang nakapako sila sa krus ay kinutya pa ni Jestas si Jesus at sinabi. “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami!”.

Sinabihan naman ni Dimas si Jestas at kanyang sinabi. “Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “JESUS ALALAHANIN MO AKO KAPAG NAGHAHARI KA NA.” Sumagot si Jesus, “SINASABI KO SA IYO: NGAYON DI’Y ISASAMA KITA SA PARAISO.”

Si Jesus ay namatay hababg nakabayibay sa krus at siya ay inilibing bg kanyang mga alagad at mga disipulo. Nanatili ba sa libingan si Jesus? Hindi. Pagkaraan ng tatlong araw, si Jesus ay nabuhay na muli dahil iyon ang nasusulat sa banal na kasulatan. Pagkaraan ng 40 araw ay umakyat na sa langit ang glorified body ni Jesus sa piling ng kanyang Ama (Diyos) at si Jesus ay babalik sa lupa sa wakas ng panahon hindi bilang Mesiyas kungdi isang hukom na hahatol sa lahat ng tao buhay man o patay ayon sa ating mga nagawa sa lupa mabuti man o masama. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News