SAN MIGUEL, Bulacan — Handang magbigay ng kabuuang halaga na aabot sa P600,000 pabuya o reward money sa sinumang makakapagbalik ng mga sagradong palamuting pilak na ninakaw mula sa rebulto ng patron saint ng bayan ng San Miguel noong Sabado de Gloria (March 4).
Inihayag ni Congressman Mark Cholo Violago ng ika-3 Distrito ng Bulacan na naglaan siya ng P400,000 na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na maaaring humantong sa pagkakakilanlan at pag-aresto sa magnanakaw/mga kumuha ng mga sagradong palamuting pilak ng estatwa ni San Miguel Arkanghel sa Simbahan ng Parokya ng San Miguel.
Sa kabilang banda, inihayag naman ni Mayor Bong Alvarez ng San Miguel na magbibigay siya ng P200,000 para sa anumang impormasyon na maaaring humantong sa pagbabalik ng mga sagradong bagay ng kanilang “Sakdal Giting na Patrong San Miguel.”
Umapela rin ang naturang alkalde sa mga parishioners “Pagsama-samahin po natin ang ating mga panalangin upang malampasan natin ang pagsubok na ito sa ating bayan.”
Kasama sa mga ninakaw na pilak na palamuti ng rebulto ang pakpak, kalasag, sibat at pala nito na natuklasang nawawala ng mga opisyal ng simbahan dakong alas-9 ng umaga noong Black Saturday.
“Ang mga gamit na ito ng ating Patrong Sakdal Giting ay ang Pakpak, Kalasag, Sibat at Espada na mga pawang gawa sa pilik,” ayon kay Rev. P. Avelino Samapa, rector at kura paroko, at Rev. P. Philip Faustino Volante, bikaryo ng Parokya.
“Ang mga ito ay simbolo ng debosyon ng ating bayan at bahagi ng kasaysayan at pananampalataya ng mga taga-San Miguel na hindi matutumbasan ng anumang halaga,” dagdag nito
Iniulat na ng mga opisyal ng simbahan ang insidente sa San Miguel Police Station. Sinabi ng isang opisyal ng pulisya na patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente ng pagnanakaw upang matukoy at maaresto ang mga may gawa ng krimen. (UnliNews Online)

