CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng Guiguinto Municipal Police Station (MPS) ang tatlong hinihinalang sangkot sa iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation bandang 6:30 ng gabi noong Huwebes (Abril 2) sa Brgy. Daungan, Guiguinto, Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Allan B. Palomo, Hepe ng Guiguinto MPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alias Dagul, 33 taong gulang at residente ng Brgy. Daungan, Guiguinto, Bulacan; alias Balot, 52 taong gulang at residente ng Brgy. Daungan, Guiguinto, Bulacan; at alias Jonjon, 46 taong gulang at residente ng Brgy. Baluga, Talavera, Nueva Ecija.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Guiguinto MPS. Sa operasyon ay nakumpiska ang humigit-kumulang 60gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P408,000.00, isang unit ng caliber .38 revolver na may limang piraso ng live ammunition, at isang unit ng caliber .45 pistol replica.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Guiguinto MPS para sa kaukulang dokumentasyon at paghahanda ng mga kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon kay P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy ang pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga at ilegal na armas bilang bahagi ng layunin na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan. Binigyang-diin niya na mananatiling aktibo ang mga operasyon ng pulisya upang matiyak ang kaligtasan ng komunidad at mapanagot ang mga lumalabag sa batas. (UnliNews Online)

