Wednesday, April 8, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsKabalikat ng Magsasaka Rural Improvement Club, ’wagi sa ‘Gulayan sa Bayan 2025’

Kabalikat ng Magsasaka Rural Improvement Club, ’wagi sa ‘Gulayan sa Bayan 2025’

Nina Verna Santos & Allan Casipit

LUNGSOD NG MALOLOS — Napagtagumpayan ng Kabalikat ng Magsasaka Rural Improvement Club ng San Ildefonso ang 19 na iba pang anchor groups upang makuha ang unang pwesto, P100,000 perang premyo, at ang karangalan na katawanin ang Lalawigan ng Bulacan sa rehiyonal na lebel ng patimpalak na Gulayan sa Bayan.

Binati ni Gob. Daniel R. Fernando ang nagsipagwagi ng Top 5 sa ginanap na awarding kasabay ng Lingguhang Pagtataas ng Watawat sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kamakailan.

“Ang programang ito ay patunay na kapag sama-sama ang komunidad at may sapat na kaalaman at suporta, nagiging posible ang masagana at sustenableng produksyon ng pagkain. Patuloy nating palalakasin ang mga programang tulad ng Gulayan sa Bayan upang masigurong may sapat, masustansya, at abot-kayang pagkain ang bawat pamilyang Bulakenyo lalo na sa panahong tulad nito na tayo ay nasa krisis,” anang gobernador.

Kabilang sa ibang nagwagi ang Marilao Bulacan Livestocks Raisers Association ng Marilao sa ikalawang pwesto na may P70,000; Lakas ng Kababaihan ng Calantipay ng Baliwag sa ikatlong pwesto na may P50,000; SSIS Partida Association ng San Miguel sa ikaapat na pwesto na may P20,000; at Samahang Magsasaka sa Kaunlaran ng Pandi Inc. ng Pandi sa ikalimang pwesto na may P10,000.

Bago ang ebalwasyon at paghuhusga, sumailalim sa face-to-face training ang lahat ng 20 kalahok at tumanggap ng inputs kasama ang garden tools tulad ng kalaykay, bolo, pala, at timbangan; iba’t ibang buto ng gulay kabilang ang talong, kamatis, kalabasa, pipino, ampalaya, sili panigang, letsugas, pechay, sitaw, at okra; at garden inputs na binubuo ng seedling tray, organic fertilizer, plastic drums, timba, at tabo.

Ang Gulayan sa Bayan, na may layunin na palawakin ang pagtatanim ng gulay at tulungan ang mga tao na makakuha ng masustansyang pagkain, ay isa sa mga programa ng Department of Agriculture Region 3 sa ilalim ng High Value Crops Development Program. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News