CITY OF MALOLOS — Pormal na ipinamahagi sa 159 residente ng Sitio Tuklas sa Barangay Mabolo ang kanilang Certificate of Lot Allotment (CELA) na ginanap sa Tuklas Resettlement Site sa Purok 5 noong Friday (April 10).
Ang naturang programa ay pinangunahan ni Mayor Christian D. Natividad, na personal na dumalo upang saksihan at makibahagi sa mahalagang okasyong matagal nang hinihintay ng komunidad.
Matapos ang mahabang panahon ng paghihintay, tuluyan nang naipagkaloob sa mga residente ang karapatan sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan. Ayon sa mga benepisyaryo, ang pagtanggap ng sertipiko ay hindi lamang simbolo ng pagmamay-ari, kundi isang panibagong yugto ng seguridad at pag-asa para sa kanilang mga pamilya.
Ang bawat lote na tatayuan ng bahay ay may sukat na 35 metro kuwadrado. Sa ilalim ng mga patakaran na ipinapairal ng Local Housing Board ng Malolos, ang naturang lote at para sa sa residential purposes lamang. Hindi maaaring ibenta, paupahan, o ilipat sa ibang pangalan sng nasabing residential lots maliban na lamang kung aprobado ng local housing board.

Binigyang-diin din ni Mayor Natividad ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling lupa bilang pundasyon ng matatag na kinabukasan. Hinikayat din niya ang mga residente na pangalagaan at paunlarin ang kanilang mga ari-arian bilang bahagi ng kolektibong pag-unlad ng komunidad.
Lubos na pasasalamat ang ipinadama ng mga residente ng Sitio Tuklas, na sa wakas ay natupad na ang kanilang pangarap na magkaroon ng sariling lupa. Para sa marami, ito ay bunga ng pagtitiyaga at patunay ng malasakit ng lokal na pamahalaan sa kapakanan ng mamamayan.
Ngayon, dala ang mga Certificate of Lot Allotment, mas buo ang kanilang pag-asa sa isang mas maayos at mas maliwanag na kinabukasan—sa lupang maituturing na tunay na kanila.
Ayon sa Local Housing Board, 82 pa sa mga aplikante ang nagaayos ng kanilang mga dokumento upang matanggap ang kanilang sertipiko.
Dumalo rin sa gawain sina Konsehal Poncho Arcega, Executive secretary, Omar Magno, City Legal Officer Atty. Darwin Clemente, Lolita SP. Santos,RSW, Engr. Gaudencio Carlos, at Malencio Tamayo, Punong Barangay ng Barangay Mabolo. (UnliNews Online)
(Source: Malolos City Information Office)

