LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pansamantalang isasara at hindi maaaring daanan ng mga motorista ang tulay ng Tabang sa Manila North Road sa bahagi ng Guiguinto na magsisimula sa Martes, December 5 at magtatapos sa December 23.
Ang pansamantalang pagsasara ng naturang tulay ay upang bigyang daan ang pagkakalso ng concrete girders para sa viaduct ng North-South Commuter Railway (NSCR) na tatawid sa ibabaw ng nasabing tulay.
Ito ang lalatagan ng salubungang riles ng 147 kilometro ng NSCR mula Clark International Airport hanggang Calamba.
Partikular sa bahagi ng tatawid na viaduct sa ibabaw ng Tabang Bridge, ito ang magkakabit sa viaduct na galing sa Malolos sa magiging Guiguinto station ng NSCR.
Bahagi ito ng 58.78% na progress rate ng NSCR Phase 1 na mula Tutuban hanggang Malolos. Nasa 50.02% naman ang nagagawa na sa NSCR Phase 2 o ang mula Malolos patungo sa Clark International Airport. Habang may 33.84 na pre-construction works sa NSCR -South Commuter Line na mula sa Blumentritt hanggang Calamba. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan/Shane F. Velasco