PANDI, Bulacan — Isinusulong ng Pamilya Ko Party-list ang pagkakaroon ng pantay na karapatan at oportunidad para sa bawat modernong pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pagsasabatas na magtataguyod ng kanilang dignidad, susuporta sa kanilang kapakanan at magpoprotekta sa kanilang mga legal na karapatan.
Ayon kay lead nominee Atty. Anel Diaz, ang Pamilya Ko Party-list ay para sa moderno/non-traditional Filipino families at dito nabibilang ang mga live-in partners, mga OFW families, victim of domestic abuse, adoptive families, blended families, at pati na LGBTQIA unions at mga solo parents.
Sa isinagawang ng kampanya ng party-list sa bayan ng Pandi noong Thursday (Feb. 13), ipinaliwanag ni Atty. Diaz sa panayam ng mga piling mamamahayag sa Bulacan ang kanilang plataporma kabilang na ang pagpapalawak ng serbisyo gaya ng tulong medikal sa mga non-traditional families.
Dagdag pa ni Diaz, na kung mahalal sa Kongreso, magtutulak sila ng 3 panukalang batas para muling tukuyin ang karapatan at oportunidad ng pamilyang Pilipino.
Nangunguna sa panukalang batas na itutulak ng party-list ang pagkakapantay-pantay ng karapatan ng marital at non-marital children.
Pangalawa ang pagsulong ng isang domestic partnership law na nakatuon sa pagbibigay ng karapatan sa mga mag-live in partners at mga LGBTQIA+ na magdesisyon sa usapin ng medical consent at gayundin sa karapatang magka-mana sa isat-isa, makapagbigay ng mahalagang desisyon medikal at pangasiwaan ang kanilang mga ari-arian.
Ikatlo at priority measures ng Pamilya Ko Party-list ay ang pagtutulak ng legal framework sa surrogacy nang maiwasan itong magamit sa exploitation ng mga kababaihan.
Bilang bahagi ng layunin na party-list, nais nitong dalhin ang pangunahing adbokasiya sa masang Pilipino sa pamamagitan ng mga social media flatforms, pagpupulong at pagpapaliwanag sa mga barangay caucus sa mga pangunahing lungsod at bayan at pagsasagawa ng house-house campaign at caravan.
Ang Kapamilya ko Part-list ay No. 150 sa balota at maliban kay 1st nominee Atty. Anel Diaz, 2nd nominee naman si Miguel Kallos.
Sa pagtatapos ng panayam kay Atty. Diaz, sinabi nito na inaasahan ang mas malawak na suporta sa Pamilya Ko Party List sa pagpunta sa mga liblib na lugar sa bansa sa loob ng 90 days campaign period. (UnliNews Online)