Nina Verna Santos at Allan Casipit
LUNGSOD NG MALOLOS — Ang Bulacan-based media man na si Orlan Mauricio ay naghain ng reklamo sa Ombudsman kamakailan laban sa diumano’y iligal na pagpapatupad sa lalawigan ng Bulacan ng Kautusan Blg. 101-2023 o “Kautusang pinagtibay ang pagbabago ng Schedule of Fair Market Values para sa Pangkalahatang Pagbabago ng pagtataya sa mga ari-ariang ’di natitinag (General Revision of Real Property Assesment) sa taong 2023 na ipinatupad noong taong 2024 (Pinagtibay ng Kapasyahan Blg. 538A-T2023).
Mariing nilinaw ni Gobernador Daniel R. Fernando na wala pa silang natatanggap na kopya ng reklamo mula sa Ombudsman base sa inilabas na opisyal na pahayag ng gobernador noong Martes (March 11).
Nakasaad sa pahayag ni Fernando na ang mga akusasyon laban sa kanya gayundin kay Bise Gobernador Alex Castro at ilan pang kasamahan ay walang ay basehan, walang katotohanan, at walang pakundangang paninira sa ngalan ng kanyang pansariling interes.
Ang isinasaad na mga kadahilanan ni Mauricio kung bakit hindi valid ang pagpapatupad ng ordinansa ay hindi umano ito nagdaan sa tamang proseso ng publication.
“Diumano ay fly-by-night ang pinaglathalaang pahayagan ng ordinansa kaya’t umaapela daw siya sa Ombudsman na ipatigil ang pagpapatupad ng nasabing ordinansa,” ani gobernador.
Una sa lahat, ang pangkalahatang rebisyon ng real property assesment ay ipinag-uutos ng Local Government Code na obligadong isagawa kada tatlong taon. Bagama’t maari itong magkaroon ng pagbabago sa mga halaga ng ari-arian, ang pangkalahatang rebisyon ay hindi isang ordinansa sa pagtataas ng buwis. Ang general revision ay mandato ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipinatutupad kada tatlong taon sa lahat ng LGU sa buong bansa.
Gayundin, para maunawaan ni Orlan Mauricio, ang ordinansang nabanggit ay mananatiling may bisa malibang ideklara ng mga korte ang kabaligtaran sa malinaw na malinaw na mga termino. dagdag pa na paglilinaw ni Gob. Daniel Fernando.
Saad pa ng gobernador sa kanyang opisyal na pahayag, “ang nagpapatuloy na mga aksyon ni Mauricio ay talagang nakalulungkot sapagkat ang tanging basehan nito ay personal na motibasyon sa kanyang tila habambuhay na pagkahumaling na gamitin ang kanyang panulat sa pagbibigkas ng mga mapanirang-puri at abusadong mga pahayag laban sa akin sa hindi lubos na maunawaang kadahilanan.”
“Sa nakalipas na maraming taon habang dumaranas ng mga personal na atakeng ito mula sa kanya, pinili kong ibaling na lamang ang aking kabilang pisngi, sapagkat naisip ko na ang kanyang mga paratang ay wala namang katuturan at katotohanan upang bigyan ko pa ng marangal na pagtugon,” dagdag pa ng gobernador.
“Ako po ay kumpiyansa na hindi bibigyang halaga ng mga Bulakenyo ang balu-baluktot na kwento ni Orlan Mauricio. Sa kabuuan, isa na naman itong fabricated content at twisted narrative gaya ng kanyang nakaugalian upang pagsilbihan ang kanyang makasariling interes, at ng kung sino pa man ang nasa likod ng kanyang walang pakundangang pamumulitika,” pagtatapos ni Gov. Fernando. (May dagdag na ulat sina Jason Estrada at Manny D. Balbin)