ANG pagboto sa halalan nasyonal man o lokal ay karapatan ng bawat Pilipino dahil ito ang itinatakda ng Saligang Batas ng Pilipinas kaya ang lahat ng Pilipino mula edad na 18 pataas ay may obligasyong makilahok sa mga isinasagawang eleksiyon sa ating bansa.
Isang beteranong politician ang aking nakausap at sinabi niya ang kanyang saloobin tungkol sa larangan ng Pulitika sa Pilipinas. Sabi ng politician, isang kaplastikan anya ang sabihin ng isang aktibong pulitiko na hindi siya namimili ng boto.
Maraming anyo anya ang vote buying, dahil ang pagkakaloob anya ng anomang bagay sa mga botante lalo na kung panahon ng eleksiyon ay malinaw na vote buying.
Ang nakalulungkot na parte na kanyang sinabi ay kung siya man umano ay lalahok sa halalang lokal ay hindi anya maaari na hindi siya susunod sa laro ng pulitika dahil ang mga botante na mismo ang nakikipaglaro ngayon sa mga kandidato at ang gustong laro ng karamihang botante ay ang maruming laro ng pulitika.
Sabi pa ng politician. “Kung ako man ay kilalang pulitiko at maraming tagasuporta ay hindi maaari na hindi ako makikipagsabayan sa laro ng dirty politics dahil kapag hindi ako nakisawsaw sa maruming laro ay malamang na talunin pa ako ng mahinang political opponent dahil siya na lang ang mamimili ng boto at ako naman ang pupulutin sa kangkungan kaya lumaro ka na lang dahil ang inaantay ngayon ng karamihan sa mga botante ay maruming laro o pulitika ng pera.”
Kanya pang sinabi na maliit na porsiyento na lamang sa ngayon ang mga botante may moralidad. “Baka nga 25 porsiyento na lamang ang mga botanteng may prinsipyo ay may mataas na moral at ang 75 porsiyentong mga botante ay ipinagbibili ang kanilang mga karapatan sa pagboto.
Nakasanayan na ng mga botante sanay na sa padulas ilang araw bago dumating ang araw ng halalan na may lmga taong alapit sa kanila na kunwari ay magbibigay ng tulong-pinansiyal pero ang kapalit niyon ay ang kanilang boto.”
Hindi nga ba’t dito sa Pilipinas ay nagmimistulang shobiz ang larangan ng pulitika dahil sa kostumbreng panatismo. Karamihan sa mga botante ngayon ay pawang panatiko hindi dahil sa mahusay, magaling at karapat-dapat ang mga kandidato na kanilang sinusuportahan para sa halalan kungdi dahil sa mga pabor na ibinibigay sa kanila ng mga iniidolo nilang politicians.
Kaya kapani-paniwala ang tinuran ng beteranong pulitiko na dalawampu at limang porsiyento na lamang sa ngayon ang mga botante na mataas ang moralidad. Karamihan anya ng mga botante ngayon ay ikinokompromiso ang kanilang sagradong karapatan sa pagboto dahil sa matinding pangangailangan sa salapi.
Hindi naman lahat ng mahihirap na botante ay nagbebenta ng kanilang boto. Mayroon din namang mga botante na may prinsipyo. Pero iyang kahirapan ang nagiging kasangkapan ng mga tusong pulitiko dahil mas pinipili ng mga botante na may matinding pangangailangang pinansiyal ang pera kaysa prinsipyo kaya masaklap mang tanggapin, sadyang nalulusaw na ang moral ng mga botante dahil sa pera. (UnliNews Online)