CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado noong Sabado ng gabi (March 22) ang isang miyembro ng Mangoda Crime Group na sangkot sa gun-for-hire activities, gun running, at illegal drug trade.
Base sa ulat kay Col. Satur Ediong, Bulacan provincial director, kinilala ang suspek na si alyas “Dondon” na naaresto sa isang drug sting sa Barangay Grace Ville sa Lungsod ng San Jose del Monte dakong alas-8:00 ng gabi.
Nasamsam ng mga pulis mula sa suspek ang apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000, isang caliber .45 pistol na kargado ng anim na live na bala at ang marked money.
Isa si alyas Dondon sa mga nakakulong na tumakas mula sa City Custodial Facility ng San Jose del Monte noong Hunyo 2, 2024 at siya rin ang pangunahing suspek sa insidente ng pamamaril na nakabiktima sa isang alyas Rom, dagdag ni Col. Ediong.
Ang pagsisikap ng Bulacan Police sa patnubay ni Brig.Gen. Jean Fajardo, Central Luzon police director, ay patuloy na pinapahina ang mga kriminal na grupo na kumikilos sa lalawigan sa pamamagitan ng paghuli sa kanilang mga miyembro, pagbuwag sa mga network ng droga, at pagkumpiska ng mga iligal na baril.
“Ang mga pinaigting na operasyong ito ay direktang tugon sa lumalaking banta na dulot ng organisadong krimen, na tinitiyak ang kaligtasan at katatagan ng publiko, lalo na bilang paghahanda para sa 2025 midterm elections,” dagdag pa ni Gec. Fajardo. (UnliNews Online)