LUNGSOD NG MALOLOS — Dahil sa mas pinaigting na kampanya laban sa iligal droga ng Malolos PNP, naaresto ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang dalawang suspek na nagbebenta ng shabu sa Barangay San Pablo at sa mga kalapit na lugar sa nabanggit na lungsod.
Base sa ulat na isinumite kay Col. P. Estoro, Officer-in-Charge of Bulacan PPO ni Lt. Col. Rommel Geneblazo, Malolos City police chief, bandang alas-7:30 ng gabi noong Lunes (April 7) nang magsagawa ng anti-illegal drug operation ang mga operatiba ng SDEU Malolos sa nabanggit na barangay na nagresulta sa pagkakaaresto ng 2 suspek na kinilala sa mga alyas na “Boyet” at alyas “Toto”.
Nasamsam sa mga suspek ayon kay Lt. Col. Geneblazo ang 3 piraso ng transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 2.7 grams at nagkakahalaga ng P18,360.00 at isang .38 caliber revolver Smith and Wesson na may limang bala.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri. Habang ang mga reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 at RA 10591 (Illegal Possession of Firearms) kaugnay ng Omnibus Election Code laban sa mga suspek ay inihahanda na para sa pagsasampa sa korte.
“Ang matagumpay na operasyong ito ay bahagi ng matuloy na kampanya laban sa iligal na droga. Patuloy tayong magtulungan upang masugpo ang salot na ito sa ating lipunan,” saad Col. Geneblazo .
Dagdag pa nito, “Ang kapulisan ng Malolos ay patuloy na nananawagan sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang masugpo ang ilegal na droga sa ating komunidad.” (UnliNews Online)