LUNGSOD NG MALOLOS — Clearance mula sa Commission on Elections (Comelec) ang hinihintay ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando upang suspindihin ang provincial warden at mga jail guards na nasasangkot sa dalawang Person Deprived of Liberty (PDL) na naaaresto kamakailan ng mga operatiba ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) Bulacan Field Office na nakakalabas-pasok sa loob ng Bulacan Provincial Jail.
Sa pulong pambalitaan na isinagawa noong Miyerkules (April 16), sinabi ng gobernador, “dahil sa panahon ngayon ng eleksyon kaya humingi tayo ng clearance sa Comelec hinggil sa kaniyang aksyon na ipapataw sa mga taong nakagawa at lumabag sa ipinaguutos ng batas.”
“Kapag po tayo ay pinayagan ng Comelec, immediately ay papa-suspend ko ang mga taong dawit diyan. Hindi po pupwede sa akin yan,” dagdag pa ni Fernando.
Ipinahayag ng gobernador ang kanyang matinding pagkadismaya nang malaman ang sitwasyon sa loob ng BPJ, na tinawag itong labis na nakakabahala at hindi katanggap-tanggap. Binigyang-diin niya na hindi niya kinukunsinti ang mga ganitong aksyon dahil ito ay tahasang paglabag sa batas.
Dagdag pa niya, kapag natapos na ang imbestigasyon ng CIDG Bulacan Field Unit, mananagot ang mga jail guard at opisyal na mapatunayang responsable at aalisin sa kanilang mga posisyon.
Ayon sa inisyal na ulat ng CIDG, ang dalawang inmate na sangkot, na kinilalang si Abdua Arajalon, isang detenidong nahaharap sa kasong murder na “Mayor” sa loob ng kulungan, at Mario San Jose, na kinasuhan ng homicide at “Chairman ng Barangay 11” sa loob ng nasabing piitan, ay malayang naglalabas-pasok sa pasilidad ng kulungan.
Idiniin ng gobernador ang kanyang matatag na paninindigan laban sa hindi katapatan.
“Ang sabi nila, ihahatid lang ni Arajalon ang asawa niya pauwi ng bahay na bumisita sa kanya. Is that even possible? No one visiting a jail needs to be escorted home by the detainee they came to see. Their alibis are unbelievable,” ani ng gobernandor.
Matatandaan na noong Linggo ng hapon (April 13), nahuli si Arajalon sa Barangay Dakila sa Lungsod ng Malolos na malayang nagmamaneho ng pulang Toyota Hilux nang walang anumang utos ng korte o legal na permiso. Nasa loob ng sasakyan ang kanyang asawa, kapwa detenido na si Mario San Jose, at isang jail guard na kasama nila. Lahat ay inaresto, kabilang sina BPJ Jail Guard Tee-Jay Jimenez at Sarah Wahid, ang pangalawang asawa ni Arajalon.
Si Jimenez ay inaresto dahil sa ilegal na pag-escort sa mga detenido palabas ng kulungan nang walang pahintulot ng korte, habang si Wahid ay nakakulong dahil sa umano’y pakikipagsabwatan sa hindi awtorisadong paglabas ng kanyang asawa.
Narekober ng mga otoridad ang isang kalibre .45 na pistola na may anim na live round, isang 9mm Glock pistol na may siyam na bala, isang magazine sa bawat baril, isang Glock holster, at ang pulang Toyota Hilux. Noong Abril 14, sumailalim sa inquest proceedings ang mga suspek, at na-raffle ang kaso sa Branch 10 ng Regional Trial Court (RTC) ng Bulacan.
Ayon sa CIDG, ilang linggo nang naka-surveillance ang mga suspek kasunod ng mga ulat na ilang high-profile detainees o tinatawag na “VIPs” ang madalas na umaalis sa kulungan at umuuwi na madalas may kasamang mga jail guard.
Si Arajalon, isang dating miyembro ng SWAT na nakakulong mula Oktubre 2019, ay naiulat na nakita sa labas ng pasilidad nang maraming beses, na gumagalaw tulad ng isang ordinaryong sibilyan.
Hinimok ng mga concerned citizen sa Bulacan ang mga awtoridad na suriin ang CCTV footage sa loob at labas ng bilangguan upang maberipika ang mga galaw ni Arajalon at matukoy ang buong lawak ng pagkakasangkot ng iba pang mga tauhan ng kulungan. (UnliNews Online)